WASTONG GAMIT NG SALITA

1) NANG at NG
Nang
a. Ginagamit ang nang bilang pangatnig sa mga hugnayang pangungusap; katumbas ng "when" sa Ingles.
Halimbawa: Tulog na ang mga anak nang dumating ang kanilang ina.
b. Ginagamit ang nang sa gitna ng dalawang salitang-ugat na inuulit.
Halimbawa: tapon nang tapon
c. Ang nang ay nagmula sa na at inaangkupan ng ng at inilalagay sa pagitan ng pandiwa at ng pang-abay.
Halimbawa: Nag-aaral nang mabuti si Juan.
Ng
a. Ginagamit ang ng bilang pananda sa tuwirang layon ng pandiwang palipat.
Halimbawa: Nagtanim ng palay si Maria na isang magsasaka.
b. Ginagamit ang ng bilang pananda ng aktor o tagaganap ng pandiwa.
Halimbawa: Tinulungan ng dalaga ang kanyang lola sa pagtawid.
c. Ginagamit ang panandang ng kapag nagsasaad ng pagmamay-ari ng isang bagay o katangian.
Halimbawa: Ang boses ng bayan ang siyang dapat na mananaig.
2) MAY at MAYROON
May
a. Ginagamit ang may kapag sinusundan ng pangngalan.
Halimbawa: May kasalanang ginawa sina Juan at Pedro kagabi.
b. Ginagamit ang may kapag sinusundan ng pandiwa.
Halimbawa: May tumawa dahil sa nasabing balita.
c. Ginagamit ang may kapag sinusundan ng pang-uri.
Halimbawa: May magandang karanasan si Jose tungkol sa pag-ibig.
d. Ginagamit ang may kapag sinsundan ng panghalip na panao sa kaukulang paari.
Halimbawa: Ang mga anak ni Mang Tomas ay may kani-kanilang pamilya na.
Mayroon
a. Ginagamit ang mayroon kapag may napapasingit na kataga (kagaya ng po, pa, din, at rin sa salitang sinusundan nito).
Halimbawa: Mayroon po kaming ipagtatapat sa inyo.
b. Ginagamit ang mayroon bilang panagot sa isang tanong.
Halimbawa: May pera ka pa ba? -Mayroon.
c. Ginagamit ang mayroon kung nangangahulugan bg pagka-maykaya o mayaman.
Halimbawa: Ang mga Bautista ay mayroon sa probinsya ng Cebu.
3) KUNG at KONG
Kung
a. Ginagamit ang kung bilang isang pangatnig sa mga hugnayang pangungusap; katumbas ng "if" sa Ingles.
Halimbawa: Kung may problema ka, puntahan mo lang ako.
Kong
a. Ang kong ay buhat sa panghalip na ko at nilalagyan lamang ng pang-angkop na ng sa pakikiugnay sa salitang sumusunod.
Halimbawa: Ang tangi kong hangad ngayong taon ay ang makapasa sa LET.
4) DIN/DAW at RIN/RAW
Din/Daw
a. Ginagamit ang din/daw kung ang salitang sinusundan ay nagtatapos sa katinig maliban sa w at y.
Halimbawa: Magpapatingin daw siya sa doktor ngayon.
Rin/Raw
a. Ginagamit ang rin/raw kung ang salitang sinusundan ay nagtatapos sa patinig at sa malapatinig na w at y.
Halimbawa: May handa raw tayo sa darating na kaarawan ni tatay.
5) SINA at SILA
Sina
a. Ang sina ay panandang pangkayarian sa pangngalan.
Halimbawa: Sina Pablo at Simon ay pupunta sa Davao.
Sila
a. Ang sila ay ginagamit bilang isang panghalip panao; katumbas ng "they" sa Ingles.
Halimbawa: Sila ay pupunta sa Davao.