MGA URI NG TAYUTAY

1) ALITERASYON (Alliteration) - pag-uulit ng mga tunog-katinig sa inisyal na bahagi ng salita.

Halimbawa: Makikita sa mga mata ni Maria ang mga masasayang nangyari sa kaniya kasama si Marco. (makikita, mga, mata, Maria, masasayang, Marco)

2) KONSONANS - pag-uulit ng mga tunog-katinig sa final na bahagi ng salita.
Halimbawa: Ang aking pagmamahal para kay Rosal ay lalong tumatatag habang tumatagal. (pagmamahal, Rosal, tumatagal)

3) ASONANS - pag-uulit ng mga tunog-patinig sa alinmang bahagi ng salita.
Halimbawa: Ang aking alagang aso ay agad kong pinaliguan pagdating ko sa amin.

4) ANAPORA - pag-uulit sa unang bahagi ng pahayag o taludtod.
Halimbawa:
Ikaw ang aking pangarap.
Ikaw ang bigay ng maykapal.
Ikaw ang lahat sa akin.

5) EPIPORA - pag-uulit sa huling bahagi ng pahayag o taludtod.
Halimbawa:
Ang Konstitusyon ay para sa mamamayan,
Gawa ng mamamayan,
At mula sa mamamayan.

6) ANADIPLOSIS - pag-uulit sa una at huling bahagi ng pahayag o talutod.
Halimbawa:
Ang mahal ko ay tanging ikaw,
Ikaw na nagbigay ng ilaw,
Ilaw sa gabi na kay dilim,
Dilim man o liwanag, ikaw ay mahal pa rin.

7) PAGTUTULAD (Simile) - isang di-tuwirang paghahambing ng dalawang magkaibang bagay gamit ang pariralang tulad ng, kawangis ng, para ng, gaya ng, makasing, at magkasim.
Halimbawa: Parang hari si Tonio kung mag-utos.

8.) PAGWAWANGIS (Metaphor) - isang tuwirang paghahambing ng magkaibang bagay at hindi gumagamit ng mga pariralang nabanggit sa itaas.
Halimbawa: Ang kanyang buhay ay isang bukas na aklat.

9) PAGHAHALINTULAD (Analogy) - ito ay paghahambing na nagpapakita ng ugnayan ng kaisipan sa kapwa kaisipan.
Halimbawa: Ang mga dalaga ay bulaklak at ang mga binata naman ay bubuyog.

10) PAGBIBIGAY-KATAUHAN (Personification) - ginagamit ito upang bigyang-buhay ang mga bagay na walang buhay sa pamamagitan ng pagkakapit sa mga ito ng mga gawi o kilos ng tao.
Halimbawa: Ang mga bituin sa langit ay kumikindat sa akin.

11) PAGMAMALABIS (Hyperbole) - lagpas sa katotohanan o eksaherado ang mga pahayag kung pagkasusuriin.
Halimbawa:
a. Narinig ng buong mundo ang iyong sigaw.
b. Huminto ang pagtibok ng aking puso nang makita kong may kasama siyang iba.

12) PAGPAPALIT-TAWAG (Metonymy) - ito ang pagpapalit ng katawagan o pangalan sa bagay na tinutukoy.
Halimbawa: Ang palasyo ay nag-anunsyo na walang pasok bukas. (palasyo - Presidente ng Pilipinas)

13) PAGPAPALIT-SAKLAW (Synecdoche) - ito ay ang pagbabanggit ng bahagi bilang pagtukoy sa kabuuan.
Halimbawa: Apat na mata ang patuloy na tumititig sa kanya.

14) PAGLUMANAY (Euphemism) - ito ay paggamit ng mga piling salita upang pagandahin ang isang dikagandahang pahayag.
Halimbawa: Sumakabilang buhay kagabi ang ama ni Nena.
(sumakabilang buhay - namatay)

15) PANAWAGAN (Apostrophe) - ito ay isang panawagan o pakiusap sa isang bagay na tila ito ay isang tao.
Halimbawa:
a. O tukso! Layuan mo ako!
b. Buhos na ulan, aking mundo’y lunuring tuluyan.
c. Kamatayan nasaan ka na? Wakasan mo na ang aking kapighatian.

16) PAGHIHIMIG (Onomatopeia) - sa pamamagitan ng tunog o hiimig ng salita ay nagagawang maihatid ang kahulugan nito.
Halimbawa:
a. Dumagundong ang malakas na kulog na sinundan ng pagguhit ng matatalim na kidlat.
b. Ang tik-tak ng relo ay nangibabaw.

17) PAG-UYAM (Irony) - isang pagpapahayag na may layuning mangutya ngunit itinatago sa paraang waring nagbibigay-puri.
Halimbawa: Siya ay may magandang mukha na kung saan tanging ina niya lang ang humahanga.

18) PAGTATAMBIS (Oxymoron) - ito ay ang paglalahad ng mga bagay na magkasalungat upang higit na mapatingkad ang bisa ng pagpapahayag.
Halimbawa: Kailan nagiging tama ang mali?

19) PAGLILIPAT-WIKA (Transferred Epithet) - tulad ng pagbibigay-
katauhan na pinagsasabay ang mga katangiang pantao na ginagamit ang pang-uri.
Halimbawa: Madilim ang kinabukasan para sa kaniya at kaniyang pamilya mula nang iwanan sila ng kanilang ama.

20) TANONG RETORIKAL (Rhetorical Question) - ito ay isang tanong na walang inaasahan sagot na ang layunin ay maikintal sa isipan ng nakikinig ang mensahe.
Halimbawa:
a. Natutulog ba ang Diyos?
b. Bakit napakalupit ng kapalaran?