MGA BABAE SA BUHAY NI JOSE RIZAL


1) Si Julia
Nakilala ni Rizal ang labing-apat na taong gulang na si Julia sa isang ilog sa Los Baños noong siya’y labinlimang taong gulang pa lamang. Sabay silang nanguha noon ng paru-paro sa tabing-ilog at doo’y pinagsaluhan nila ang kaunting panahon ng saya at tuwa. Ang pakiramdam na ito’y naging panandalian lamang; isa lamang matamis na pagtatangi ng isang binatilyo sa isang dalagita ang naganap sa kanilang pagsasama. Ayon sa tala, hindi pa tuluyang nahulog ang puso ni Pepe kay Julia nang mga panahong ito. Sa wikang Ingles, maaaring ito’y infatuation pa lamang.

2) Segunda Katigbak
Mula naman sa Lipa, Batangas si Segunda Katigbak na noon ay labing-apat na taong gulang nang makilala ni Rizal. Tuwing Huwebes at Linggo bumibisita noon si Rizal sa Colegio de la Concordia kung saan namamalagi ang kapatid niyang si Olympia at si Segunda. Sa panahong ito, tuluyan nang nahulog ang loob ni Rizal kay Segunda. Ngunit sa kabila nito, pagkasawi muli sa pag-ibig ang naranasan ni Rizal. Si Segunda ay nakatakda nang ikasal kay Manuel Luz kahit na hindi ito nais ni Segunda. Hindi nagawang ipagtapat ni Rizal ang kanyang pag-ibig para kay Segunda. Tila baga siya’y nawalan ng tapang at lakas ng loob noong mga panahong iyon, hanggang sa tuluyan nang mawala si Segunda Katigbak.

3) Binibining L.
Isang misteryosang dilag naman itong si Binibining L. Hindi malaman ng mga historyador kung ano ang ibig sabihin ng L sa pangalan ng dilag na ito. Pagkatapos ng pagkasawi kay Segunda, ibinaling ni Rizal ang kanyang atensyon sa dalagang ito. Dalawang magkasunod na gabi bumisita itong si Rizal kay Bb. L. dahil na rin sa nadama niyang sakit sa piling ni Segunda. Ngunit maagang natapos ang pagbisitang ito ni Rizal sa pagtutol na rin ng kanyang ama.

4) Leonor Valenzuela
Nakilala naman ni Rizal itong si Leonor o Orang Valenzuela noong siya’y nag-aaral pa sa Unibersidad ng Santo Tomas. Katabi ng tinutuluyan ni Rizal ang bahay ng mga Valenzuela at palagi silang namamalagi ng kanyang mga kaibigan doon. Unti-unting nahulog ang loob ni Orang kay Rizal dahil sa angking talino ni Jose. Binibigyan ni Rizal si Orang noon ng mga liham na nakasulat sa tintang maaaninag lamang kung itatapat sa lampara. Ngunit para kay Rizal, higit na mainam kung ituring niya lamang na kaibigan si Orang kaysa ituring niya itong kasintahan. Ang desisyong ito ay bunsod na rin ng espesiyal na pagtangi ni Rizal sa isa pang Leonor, si Leonor Rivera.

6) Leonor Rivera
May mga nagsasabing kababata ni Rizal itong si Leonor. May mga nagsasabi ring sila ay malayong magpinsan. Magkagayunman, noong mga bata pa sila ay hindi gaanong napapansin ni Rizal si Leonor. Ngunit nang magdalaga ang dilag, napansin ni Rizal na unti-unti nang bumubulaklak ang dati’y tila kampupot lamang na si Leonor. Nang nagkakamabutihan na ang dalawa, napagpasiyahan nila na Taimis ang itawag kay Leonor Rivera upang makatakas sa mga matang maaaring kumondena sa kanilang dalawa. Nang mga panahong ito, unti-unting umusbong si Rizal bilang manunulat at nasyonalista. At noong 1882, inilihim ni Rizal kay Leonor ang kanyang pag-alis patungong Europa, na lubha namang ikinasakit ng damdamin ng dalaga. Kung noong una’y suportado ng mga magulang ni Leonor ang pag-iibigan ng dalawa, bigla nila itong tinutulan dahil sa pagiging kilalang pilibustero ng binata ng mga panahong iyon. Marami pa ang naganap na nagbunsod sa masakit na paghihiwalay ng dalawa. Dahil sa pagharang ng mga magulang ni Leonor sa mga sulat ni Rizal para sa dalaga, ipinagpalagay ni Leonor na kinalimutan na siya ni Rizal – na siyang nagtulak kay Leonor upang magpakasal sa isang Ingles na pinili ng kanyang mga magulang, si Henry Kipping. Tumagal ang relasyon nina Rizal at Leonor Rivera nang 11 taon.

7) Consuelo Ortiga y Perez
Anak si Consuelo ni Don Pablo Ortiga y Rey, alkalde ng Maynila noon. Nagkita sila ni Rizal sa Madrid kung saan balot pa rin si Rizal ng pagdadalamhati dahil sa pagpapakasal ni Leonor Rivera sa ibang lalaki. Sa Madrid, hindi lamang si Rizal ang humanga kay Consuelo. Maging sina Eduardo de Lete, Antonio at Maximino Paterno ay nahulog din sa kanya. Nagkaroon ng kasunduan sina Rizal at Lete upang malaman kung sino ang pipiliin ni Consuelo sa kanilang dalawa. Sa pagtatapos ng kanilang kasunduan, si Lete ang nakabihag ng puso ni Consuelo. Inihandog ni Rizal kay Consuelo ang tulang A la Señorita C. O. y R., isa sa mga magagandang tulang naisulat ni Rizal. Sa kabila ng panibagong pagkabigong ito, si Leonor pa rin ang nasa isip ni Rizal.


8) Usui Seiko
Sa pagdaan ni Rizal sa bansang Hapon patungong Europa noong 1888, kanyang nakilala si Usui Seiko, 23 taong gulang. O-Sei-San ang tawag ni Rizal sa kanya. Mula si O-Sei-San sa pamilya ng mga samurai. Muntik nang pakasalan ni Rizal si O-Sei-San dahil sa magandang trabahong inilaan sa kanya roon. Ngunit nanaig ang damdaming makabayan ni Rizal kaya’t hindi na ito naisakatuparan.
9) Gertrude Beckett
Nang makarating si Rizal sa London, namalagi siya sa tahanan ni Charles Beckett. Si Gertrude o ‘Gettie’ ang panganay na anak ni Charles. Tuwing umaga, bilang kaugalian na ng mga Ingles, hinahatiran ni Gettie si Rizal ng kanyang almusal. At dahil nga sa angking kakaibang karisma ni Rizal, nahulog ang loob ni Gettie kay Rizal. Ngunit kagaya ng nangyari sa kanilang ugnayan ni Consuelo, higit na pinili ni Rizal ang sariling bayan at si Leonor.
10) Nelly Boustead
Tulad ng kanyang mga naunang dilag mula sa Europa, hindi rin nagtagal ang relasyon ni Rizal kay Nelly Boustead, isang Pranses. Hindi pumayag si Rizal sa pakiusap ni Nelly na maging isang Protestante. Hindi rin nais ng ina ni Nelly na magkaroon ng manugang na doktor na hindi binabayaran ng sapat ng kanyang mga kliyente. Naghiwalay ang dalawa ngunit nanatili pa rin ang kanilang pagkakaibigan.

11) Suzanne Jacoby
Nagtungong Brussels sa Belgium si Rizal noong 1889 dahil sa maluhong pamumuhay sa Paris. Namalagi siya sa tahanan ng dalawang magkapatid na sina Marie at Suzanne Jacoby. At katulad dati, nahulog ang loob ni Suzanne sa kanya. Ngunit noong Hulyo 1890, umalis si Rizal patungong Madrid at naiwan si Suzanne na nagdadalamhati.

12) Josephine Bracken
Nagkakilala sina Josephine at Rizal nang dalhin ng una ang kinilalang ama kay Rizal upang ipagamot noong Pebrero 1895. Dito na nagsimula ang kanilang malalim na pagtitinginan. Bagaman tutol ang kinilalang ama, hindi nagawang pigilan ng tadhana ang pag-iibigan nina Josephine at Rizal. Marami ang nagduda sa katapatan ni Josephine kay Rizal. May mga nagsasabing kasabwat siya ng mga prayleng noon ay kalaban ni Rizal. Hindi rin naging maluwat para sa ibang kapatid ni Rizal ang kanilang relasyon dahil hindi raw kapantay ni Josephine ang katalinuhan ni Rizal. Isang hindi magandang pangyayari ang naganap noong katapusan ng 1895 - nalaglag ang dinadalang anak ni Josephine. Bunsod nito, nagpasya na lamang sina Rizal at Josephine na mag-ampon ng batang babaeng nagngangalang Maria Luisa, na kaagad naman nilang ibinalik sa mga tunay nitong magulang. Si Josephine ang naging kahuli-hulihang babae sa buhay ni Rizal bago ang kanyang pagkamatay sa Bagumbayan.