FILIPINO_(LET) LECTURE NOTES


 Wika

Ilang mga pananaw ukol sa wika:

“…Maari nating hiramin sa loob ng isang panahon ang wika ng ibang bayan, ngunit hindi tayo tunay na makapag-aangkin ng isang wikang pambansa maliban sa pamamagitan ng pagpapatibay, pagpapaunlad at paggamit ng isang wika na sariling atin.”  (Manuel L. Quezon)

Parang hininga ang wika, sa bawat sandali ng buhay natin ay nariyan ito.  Palatandaan ito na buhay tayo, at may kakayahang umugnay sa kapwa nating gumagamit din nito.  (Bienvenido L. Lumbera)

Ang wika ay isang panlipunang penomenon.  Ibig sabihin, mahalaga ito hindi lamang s indibidwal kundi lalo na sa lipunang kanyang kinabibilangan.  (Pamela C. Constantino)

Mahalagang kasangkapan ng panlipunang kapital ang wika na ang gamit ay gawing episyente o mabisa ang mga transaksyon sa isang ekonomiya.  (Tereso Tullao, Jr.)
  
Ang pag-aaral ng wikang Filipino ay binubuo ng dalawang kakayahan:

  • kakayahang makabuo ng mga pahayag o pangungusap na may wastong kayariang pambalarila; tinatawag itong kakayahang linggwistika o linguistic competence
  • kakayahang maunawaan at magamit ang mga pangungusap na may wastong pambalarilang kayarian sa angkop na panlipunang kapaligiran ayon sa hinihingi ng sitwasyon; tinatawag itong kakayahang komunikatibo o communicative competence.

Ponolohiya

  • Patern o kumbinasyon ng mga tunog sa loob ng isang wika
  • Ponema – pinakamaliit ngunit pinakamakahulugang yunit ng tunog ng isang wika. 

Mga Ponemang Segmental

Ito ay makabuluhang tunog sa Filipino na ginagamitan ng mga katumbas na titik upang mabasa at mabigkas.  Kabilang dito ang mga ponemang katinig, patinig, diptonggo, at klaster.

Mga Ponemang Katinig

Ang mga katinig ng Filipino ay maiaayos ayon sa punto o paraan ng artikulasyon at kung ang mga ito ay binibigkas nang may tinig o walang tinig. 

Mga Ponemang Patinig

Ang mga patinig ng Filipino ay maiaayos sa tsart ayon sa kung aling bahagi ng dila ang gumagana sa pagbigkas ng isang patinig—unahan, sentral, likod—at kung ano ang posisyon ng nasabing bahagi sa pagbigkas—mataas, nasa gitna, o mababa.

Posisyon ng Bahagi ng Dila sa Pagbigkas


Bahagi ng Dila
Harap
Sentral
Likod

Mataas

Gitna

Mababa

i

e

()



a


u

o

Ang /i/, halimbawa, ay tinatawag na mataas-harap sapagkat kapag binibigkas ito, ang harap na bahagi ng dila ang gumagana na karaniwan ay umaarko nang pataas.

May limang pangunahing patinig ang wikang Filipino: ang /a/. /e/, /i/, /o/, at /u/.  Gayon man, mapapansing isinama sa tsart ang ponemang () (schwa) na gamitin sa Pangasinan, ilang pook sa Ilokos, Maranaw, at iba pang lugar sa Pilipinas.

Sa maraming katutubong wika ng Pilipinas at maging sa wikang Filipino, mga allophone, o maaaring mapagpalit-palit, ang mga tunog ng /e/ at /i/, gayon din ang mga tunog ng /o/ at /u/.  Tulad nito:

/lala×keh/ ~ /lala×kih/  ‘man’
/baba×eh/ ~ /baba×ih/ ‘woman’
/miyer×koles/ ~ /miyer×kules? ‘Wednesday’

Mga Diptonggo

Tumutukoy ang diptonggo sa mga pinagsamang tunog ng isang patinig (a, e, i, o, u) at isang malapatinig (w, y).  Nasa ibaba ang tsart ng mga diptonggo sa wikang Filipino. 

Posisyon ng Bahagi ng Dila sa Pagbigkas


Bahagi ng Dila
Harap
Sentral
Likod

Mataas

Gitna

Mababa

iw, iy

ey





ay, aw


uy

oy, ow

Mga halimbawang salita:

aywan              baytang           alay
awdisyon         restawran         dilaw

Mga Klaster

Ang mga klaster o kambal-katinig sa Filipino ay dumarami dahil sa pagpasok ng ng mga salitang Ingles sa sa wikang Filipino.  Ang klaster ay ang magkakabit na dalawang magkaibang katinig sa isang pantig. 

Mga halimbawa:

blakbord          brigada                                    kard                
kliyente           krokis                          nars
komonwelt      transportasyon             dimpols

Mga Ponemang Suprasegmental

Tumutukoy ang mga ponemang suprasegmental sa mga makahulugang yunit ng tunog na karaniwang di tinutumbasan ng titik o letra sa pagsulat.  Kabilang sa mga ponemang suprasegmental ang tono (pitch), haba (length), diin (stress), at antala (juncture). 

Tono

Tinutukoy ang tono sa paraan ng pagbigkas na maaaring malambing, pagalit, mabilis na parang nagmamadali, mahina at iba pa.  Naiiba-iba ang tono o pagtaas at pagbaba ng tinig sa wikang Filipino batay sa iba’t ibang layunin at damdamin ng nagsasalita.  Halimbawa maiiba-iba ang intonasyon sa sumusunod na pangungusap ayon sa inihahayag na emosyon ng nagsasalita.  Basahin ang mga pangungusap batay sa ipinahahayag na emosyon:

Ikaw nga!  (nagulat)
Ikang nga! (pagalit)
Ikaw pala.  (ordinaryong pagbati)
Ikaw pala.  (walang interes na pagbati)

Diin

Ginagamit sa gramatikang ito ang dalawang magkahiwalay na bar (/ /) upang maglaman ng notasyong ponemik na sisimbolo sa paraan ng pagbigkas ng isang salita.  Ginagamit din ang tuldok / . / upang matukoy ang pantig o silabol ng isang salita na may diin (stress).  Ito ay nangangahulugan naman ng pagpapahaba ng pantig na laging may kasamang patinig.  Tulad ng sumusunod kung saan may diin at pinahahaba ang pantig na sinusundan / . /:

/kasa.ma/* = companion
/kasama/ = tenant

                        /magnana.kaw/ = thief
                        /magna-na.kaw/ = will steal
                        /magna.nakaw/ = will go on stealing

            Punto at Intonasyon

Tumutukoy ang punto sa kakaibang pagbigkas ng isang grupo ng mga tao.  Halimbawa sa rehiyong Tagalog, iba-iba ang punto ng mga Batangenyo, Kabitenyo, taga-Quezon, Rizal, Bataan, at iba pang nasa Katagalugan.  Sa pagsasalita pa lamang, madaling matukoy kung saan nagmula ang isang tao, lalo pa’t gumagamit siya ng “Ala e!” kung taga-Batangas, ng “Aru!” kung taga-Queson at iba pa.  Ang ilang lugar naman sa Cebu na gumagamit ng “Agi!”

Hinto   

Ito ay ang pagtigil sa pagsasalita na maaaring panandalian (sa gitna ng pangungusap), o pangmatagalan (sa katapusan ng pangungusap).  Sa pasulat na komunikasyon, sinisimbolo ng kuwit (,) ang panandaliang paghinto at ng tuldok (.) ang katapusan ng pangungusap. 

Halimbawa

Juan Carlo Jose ang pangalan niya.//
(Tinutukoy si Juan Carlo Jose at sinasabi ang kanyang buong pangalan.  Maaaring itinuturo lamang si Juan Carlo Jose, o maaari rin namang kaharap siya ng mga nag-uusap.)

Juan/ Carlo Jose ang pangalan niya.//
(Kinakausap si Juan, at ipinakikilala sa kanya si Carlo Jose.)

Juan Carlo/ Jose ang tawag sa kanya.//
(Kausap ang isang lalake na Juan Carlo ang pangalan.  Ipinakikilala sa kanya si Jose, o kaya’y itinuturo si Jose.)

Alpabetong Filipino

            Ang alpabetong Filipino ay binubuo ng 28 letra na ganito ang ayos:

            A, B, C, D, E, F, G, H, I, J, K, L, M, N, Ň, NG, O, P, Q, R, S, T, U, V, W, X, Y, Z,

Sa 28-letrang ito ng alpabeto, 20 letra ang nasa dating ABAKADA (A, B, K, D, E, G, H, I, L, M, N, NG, O, P, R, S, T, U, W, Y), at 8 letra ang dagdag dito (C, F, J,  Å‡, Q, V, X, Z) na galing sa mga umiiral na wika ng Pilipinas at sa iba pang wika.

Ang ngalan ng mga letra.  Ang tawag sa mga letra ng alpabetong Filipino ay ayon sa tawag-Ingles maliban sa Ň (enye) na tawag-Kastila.

Silabikasyon

Sa kasalukuyan ay may mga kayarian ng pantig na ambag ng mga lokal na wika at panghihiram.

Ang pagtukoy sa pantig, gayundin sa kayarian nito, ay sa pamamagitan ng paggamit ng simbolong K para sa katinig at P para sa patinig.  Narito ang ilang halimbawa ng mga pantig.

            Kayarian                                Halimbawa
            P                                              u-pa
            KP                                           ma-li
            PK                                           is-da
            KPK                                        han-da
            KKP                                        pri-to
            PKK                                        eks-perto
            KKPK                                     plan-tsa
            KKPKK                                  trans-portasyon
            KKPKKK                               shorts  

Palabuuan ng Salita

  1. Morpolohiya – ito ay sistema ng pagsasama-sama ng mga morpema sa pagbuo ng mga salita sa isang wika.  Pag-aaral ng mga morpema ng wika.

Morpema – pinakamaliit na yunit o bahagi ng wika na nagtataglay ng sariling kahulugan.  Ito ay maaaring isang salita o bahagi lamang ng salita.

Mga Paraan ng Pagbuo ng Salita

Payak ang anyo ng salita kapag binubuo ito ng salitang-ugat lamang, tulad nito:
     
                  langit                           yaman                          sulat
                  ilog                              puti                              lantad/hantad
                        bahay                           diwa                            talino

Maylapi ang anyo ng salita kapag binubuo ito ng salitang-ugat at panlaping maaaring ilagay sa unahan o hulihan ng salitang-ugat.  Dahil sa panlaping nag-uuri, nagkakaroon ng iba’t ibang kahulugan ang salita, tulad ng makikita sa loob ng parentesis:

Mga Panlaping Ginagamit sa Pagbuo ng Pangngalan

-an

1.      lalagyan ng maraming bagay na isinasaad ng salitang-ugat
Halimbawa:  atisan, manggahan, aklatan

2.      pook na ginagampanan ng kilos na isinasaad ng salitang-ugat
Halimbawa:  saingan, katayan, laruan

3.      panahon o maramihang pagganap na isinasaad ng salitang-ugat
Halimbawa:  binyagan, anihan, taniman

4.      gantihang kilos
Halimbawa:  tulakan, tulungan, kuwentuhan

5.      maramihan o sabayang kilos
Halimbawa:  suguran, bilihan, sigawan

-in

1.      relasyong isinasaad ng salitang-ugat
Halimbawa:  pininsan, inale, inapo

2.      nagsasaad ng karaniwang gamit o tungkulin ayon sa salitang-ugat
Halimbawa:  salain, salukin, pikutin

ka-
 
1.      kasama sa pangkat, katulong sa gawain
Halimbawa:  kabayan, kalahi, kaklase 

2.      nagsasaad ng relasyon ayon sa isinasaad ng salitang-ugat.
Halimbawa:  kalaro, kausap, kamag-anak

tag-

1.      nagsasaad ng panahon
Halimbawa:  tag-init, tag-ulan, tag-araw

Mga Panlaping Ginagamit sa Pagbuo ng Pang-uri

ma- + su          :           mahusay, maganda
mapag- + su     :           mapagbigay, mapagtanong
-in / -hin + su   :           silanganin, kanluranin, artistahin
                                    (nangangahulugan ng pagtataglay ng katangiang
inihuhudyat ng salitang-ugat ang lahat ng panlaping ito)
            maka- + su       :           makabayan, makabago, makamanggagawa
                                                (mahilig, kampi, may malasakit)
            mala- + su        :           malabituin, malasanto, malatelenobela
                                                (tila, parang, halos)
            pala- + su         :           palaluto, palabasa, palabati, palakain
            su + -in            :           sakitin, bugnutin, magagalitin
                                                (may tendensi, ugali o pagkamahilig)
            ka- + su           :           kalahi, kasukat, kakulay
                                                (kaisa, katulad)
            su + -an/-han   :           noohan, pangahan, ilongan, matahan
                                                (labis ang laki, malaki sa karaniwan)
            -al                    :           emosyonal
            uwal/-wal        :           aktuwal/aktwal
            -ante                :           importante, bastante

            Mga panlapi para maipakita ang nasyonalidad o rehiyong pinagmulan, pati  
            sekswalidad:

            -o/a                  :           Amerikano/Amerikana, Australyano/a
            -es/esa              :           Hapones/Haponesa
            -ano/a              :           Ilokano/a, Bikolano/a
            -ense                :           Pangasinense
            -enyo/enya       :           Batangenyo/a
           
Inuulit ang anyo ng salita kapag inuulit ito ng parsyal o buo, tulad nito:

maganda-ganda           (nangangahulugan ng moderasyon, di labis, di kulang)
mataas-taas                 
            malayu-layo

            masamang (+-ng) + masama   :           masamang-masama
                                                (naghahayag ng kasukdulan)
           
Tambalan ang anyo ng salita kapag binubuo ito ng dalawang salitang maaaring magkaroon ng ibang kahulugan kapag pinagsama.  May gitling (-) sa pagitan ng dalawang salitang pinagtambal subalit taglay pa rin nito ang kani-kanilang kahulugan.  Wala nang gitling ang dalawang salitang pinagtambal kung nagkaroon na ito ng pangatlong kahulugan.  

Halimbawa:
balat + sibuyas :           balat-sibuyas (sensitibo)
ningas + kugon            :           ningas-kugon (mabuti lamang sa simula)
kapit + tuko                 :           kapit-tuko (di humihiwalay)
palabat + bunga           :           pabalat-bunga (pakitang-tao)
isip + lamok                 :           isip-lamok (kahinaan ng pag-iisip, di nag-iisip)
boses + ipis                  :           boses-ipis (mahinang-mahina ang boses)

bahaghari
dalagambukid

Mga Panlaping Makadiwa o Panlaping Ginagamit sa Pagbuo ng Pandiwa

1.      Pandiwang pokus sa tagaganap o aktor
Panlaping mag-, um-, mang-, maka-, makapag
Halimbawa:  magsaing, bumili, umasa, mangisda, makapagbenta

2.      Pandiwang pokus sa layon
Panlaping i, -an, ipa, -in
Halimbawa:  igisa, balatan, ipaukit, tabasin

3.      Pandiwang pokus sa ganapan
Panlaping –an, pag—an
Halimbawa:  saingan, pagsalangan, paglutuan

4.      Pandiwang pokus sa tagatanggap
Panlaping i-, ipang-, ipag-
Halimbawa:  ibili, ipanghingi, ipagluto

5.      Pandiwang pokus sa instrumento
Panlaping ipang-
Halimbawa:  ipangsalok, ipambili, ipandilig

6.      Pandiwang pokus sa sanhi
Panlaping ika-, ikapang-
Halimbawa:  ikagulat, ikainis, ikinagaling, ikinapanghina

7.      Pandiwang pokus sa direksyunal
Panlaping –an
Halimbawa:  puntahan, kuhanan, utangan

Pagbabagong Morpoponemiko

  • Karamihan sa mga pagbabago sa anyo at bigkas ng mga salita ay sanhi ng pagdaragdag ng panlapi o pagsasama ng dalawa o higit pang morpema upang bumuo ng salita.  Ang nagaganap na pagbabago ay tinatawag na pagbabagong morpoponemiko.

Asimilasyon                pang + bansa = pambansa; mang + daya = mandaya
                                    pang + tukoy = pantukoy; mang + dukot = mandukot
                                    pang + talo = panalo; mang + kuha = manguha
Pagpapalit                   ano + ano = anu-ano
Paglilipat                     y + in + akap = yinakap = niyakap
                                    lipad + in = linipad = nilipad
                                    yaya + in = yinaya = niyaya
Pagbabago ng              ma + dama = marami; ma + dapat = marapat
Ponema                       tamad + in = tamarin; lipad + in = liparin                  
Pagkakaltas                 bili + han = bilihan = bilhan; dakip + in = dakipin = dakpin
                                    tirah + an = tirahan = tirhan; sarah + an = sarahan = sarhan 
Pagdaragdag               paalala + han = paalalahan; paalalahan + an = paalalahanan
Pag-aangkop               hintay + ka = teka

Kaantasan ng Katangiang Ipinahahayag ng Pang-uri

1.      Lantay – karaniwang anyo ng pang-uring ginagamit sa paglalarawan
Halimbawa:  mataba, palabiro, sutil

2.      Katamtaman – nagpapahayag ng katamtamang antas ng paglalarawan.  Gumamit ng mga salitang medyo, nang kaunti o nang bahagya.
Halimbawa:  Medyo maitim siya ngayon.
                     Payat siya nang bahagya ngayon.   

Maaari rin ang katamtamang antas sa pamamagitan ng pag-uulit ng salitang-ugat o dalawang unang pantig nito.
Halimbawa:  Malayu-layo rin ang kanilang bagong bahay.  

3.      Masidhi – nagagawa ang pag papasidhi ng pang-uri sa pamamagitan ng pag-uulit ng salita at paggamit ng pang-angkop na na o –ng.
Halimbawa:  Masayang-masaya siya ngayon.

Sa pamamagitan ng paggamit ng mga panlaping napaka-, pagka at kay.
Halimbawa:  Pagkalapi-lapit lang ng kanilang tirahan.
                     Kay init-init ng panahon ngayon.
                     Napakasungit ng kaibigan mo.

Sa pamamagitan ng paggamit ng mga salitang lubha, masyado, totoo, talaga, tunay, ubod ng, hari at iba pa.
Halimbawa: Talagang maaasahan ang kaibigan kong iyon.
                     Tunay na mahal ang mga bilihin ngayon.                  

Antas ng Hambingan

1.      Pahambing – tawag sa mga pang-uring ginagamit sa paghahambing ng
      dalawang tao, bagay, o pook.
      Halimbawa:  Kasinlaki mo si Kuya.
                           Kapwa matalino ang magkapatid.
                           Di kasinhusay ni Paul si Christian.
                           Di hamak na mainam tumira sa probinsya kaysa Manila.   

2.      Pasukdol – panlaping ginagamit sa pagbuo ng pasukdol na anyo ng pang-uri ay ang pinaka- at ka- -an.
Halimbawa:  Pinakamabili ang tinda nilang paputok.
                     Kasuluk-sulukan ang kanilang pinuntahang bahay.

Pokus ng Pandiwa

  • Ito ay tumutukoy sa makahulugang ugnayan ng pandiwa at ng paksa ng pangungusap.  May pitong (7) uri ng pokus ang pandiwa.

1.      Pokus sa Tagaganap/Aktor – ang paksa ay ang tagaganap ng kilos na ipinahihiwatig ng pandiwa.  Mga panlaping ginagamit:  mag-, um-/um, mang-, maka-, at makapag- 
Halimbawa:  Sumalok ng tubig ang bata.

2.      Pokus sa Layon – binibigyang-diin sa pangungusap ay ang layon.  Mga panlaping ginagamit:  i-, -an, ma, ipa, at –in.
Halimbawa:  Isinalok ng bata ang timba.

3.      Pokus sa Ganapan – binibigyang-diin ng paksa ay ang lugar o ang ganapan ng kilos.  Mga panlaping ginagamit:  pag-…-an/-han, mapag-…-an/-han, at pang-..-an/-han
Halimbawa:  Pinagsalukan ng bata ng tubig ang balon.

4.      Pokus sa Tagatanggap – ang paksa ay ang tagatanggap o ang pinaglalaanan ng kilos na ipinahahayag ng pandiwa.  Mga ginagamit na panlapi:  i-, ipang-, at ipag-.
Halimbawa:  Ipinangsalok niya ng tubig ang ama.

5.      Pokus sa Intrumento o Gamit – ang paksa ng pangungusap ay ang instrumento o gamit sa pagsasagawa ng kilos na isinasaad ng pandiwa.  Panlaping ginagamit:  ipang-
Halimbawa:  Ipinangsalok niya ng tubig ang timba.

6.      Pokus sa Direksyon – ang paksa ng pangungusap ay ang direksyon o tinutungo ng kilos na isinasaad ng kilos.  Mga panlaping ginagamit:  -an/-han.
Halimbawa:  Pinagsalukan ng bata ng tubig ang balon. 

7.      Pokus sa Sanhi – ang paksa ng pangungusap ay ang dahilan o sanhi ng kilos.  Mga panlaping ginagamit:  i-, ika- at ikapang-.
Halimbawa:  Ikinatakot ng bata ang pagkaubos ng tubig.        

Aspekto ng Pandiwa

  • Ang aspekto ay ang katangian ng pandiwa na nagsasaad kung nasimulan na o hindi pa ang kilos.  Ang mga pandiwa sa Filipino ay nababanghay sa tatlong aspekto.

  1. Perpektibo/Pangnagdaan – ang kilos ay nasimulan na o natapos na.  Maaari rin itong magsaad ng kilos na katatapos lamang.  Nabubuo ito sa pamamagitan ng paggamit ng unlaping ka- at pag-uulit ng unang katinig at unang patinig o unang patiniog lamang ng salitang-ugat.
Halimbawa:  Nagtinda siya ng isda sa palengke.
                     Katitinda­ lang niya ng isda sa palengke.
  1. Imperpektibo/Pangkasalukuyan – ang kilos ay nasimulan na at ipinagpapatuloy pa.
Halimbawa:  Nagtitinda siya ng isda sa palengke.
  1. Kontemplatibo/Panghinaharap – ang kilos ay di pa nasisimulan. 
Halimbawa:   Magtitinda siya ng isda sa palengke.

Ang Paningit o Ingklitik

  • Ang paningit o ingklitik ay katagang isinisingit sa pangungusap upang higit na maging malinaw ang kahulugan nito.   
Halimbawa:  ba, kasi, kaya, daw/raw, din/rin, ho, lamang/lang, man, muna, na, naman, nga, pa, pala, sana, tuloy, at yata.

Ayos ng Pangungusap sa Filipino

  • Ang batayang pangungusap sa Filipino ay binubuo ng dalawang panlahat ng bahagi—ang panaguri at ang paksa.

  1. Paksa – pinag-uusapan o pinagtutuunan ng pansin sa pangungusap.
  2. Panaguri – nagbibigay ng kaalaman o impormasyon tungkol sa paksa.

Iba’t Ibang Uri ng Panaguri sa Filipino:
  1. Panaguring Pangngalan
Halimbawa:  Kompyuter ang gustong regalo ng bata.
                     Aklat-pambata ang dala ko.
  
  1. Panaguring Panghalip
Halimbawa:  Sila ang kamag-anak ko.
                     Tayo ang maghahatid ng sulat.
           
  1. Panaguring Pang-uri
Halimbawa:  Malungkot ang buhay sa Dubai.
                     Mahal ang nabili kong damit.
  
  1. Panaguring Pandiwa
Halimbawa:  Tumalon ang bata.
                      Pumitas ng talbos si Joan.

  1. Panaguring Pang-abay
Halimbawa:  Ngayon ang alis namin.
                     Ganito ang paluluto ng yema.
 
Karaniwang-Ayos ng Pangungusap – likas ng kayarian ng pangungusap sa Filipino na mauna ang panaguri sa paksa.  Ginagamit ito sa pang-araw-araw na usapan.
Halimbawa:  Nakabili ng dyip ang Tatay.
                     Naglaba kami ng mga damit sa sapa.

Di Karaniwang-Ayos ng Pangungusap – higit na gamitin sa mga pormal na sitwasyong komunikatibo, tulad ng pulong, sa hukuman, o pakikipag-usap sa mga pinuno.
Halimbawa:  Ako ay naatasang mamuno ngayon.
                      Sila ay maghahain ng reklamo laban sa Kapitan ng barangay.

Ang Wastong Gamit ng Salita

Ng at Nang

Gamit ng NG

  • ginagamit bilang pantukoy
Halimbawa:  Nag-aaral ng Ilokano si Sonia.

  • ginagamit bilang pang-ukol na ang katumbas sa ingles ay with
Halimbawa:  Hinampas niya ng payong ang aso.

  • ginagamit bilang pang-ukol na ang katumbas ay sa
 Halimbawa:  Magsisiuwi ng Pilipinas ang magagaling na doktor.

Gamit ng NANG

  • ginagamit na pangatnig sa hugnayang pangungusap bilang panimula ng katulong na sugnay o sugnay na di makapag-iisa
      Halimbawa:  Nang siya ay dumating, dumagsa ang tao.

  • ginagamit bilang pang-abay na nanggaling sa “na” na inangkupan ng “ng” kayat nagiging “nang”
      Halimbawa:  Nagbalita nang malakas ang aking kaibigan sa opisina.

May at Mayroon

Gamit ng May

  • ginagamit ang may kung ang sumusunod na salita ay:

Pangngalan
Halimbawa:  May batang nahulog.

Pandiwa
Halimbawa:  May sasayaw na babae mamayang gabi.

Pang-uri
Halimbawa:  May bagong bahay na nasunog.

Panghalip na paari
Halimbawa:  May kanya-kanya tayong alam.
 
Pantukoy na mga
Halimbaa:  May mga batang pupunta dito mamaya.

Pang-ukol na sa
Halimbawa:  May sa-kalabaw ang boses ng taong iyan.

Gamit ng Mayroon

  • sinusundan ng panghalip na palagyo
Halimbawa:  Mayroon kaming dadaluhang pulong bukas.
  
  • sinusundan ng isang kataga
Halimbawa:  Mayroon ding pulong ang kababaihan.

  • ginagamit sa patalinghagang kahulugan
Halimbawa:  Si Mayor Favila ang mayroon sa lahat.

Subukin at Subukan

subukin – “pagsusuri o pagsisiyasat sa uri, lakas o kakayahan ng isang bagay o tao.”
subukan – “tingnan kung ano ang ginagawa ng isang tao o ng mga tao.”
Halimbawa:  Subukin mong gamitin ang sabon na ito.
                      Sunubukan nila ang disiplina ng mga mag-aaral.   

Pahirin at Pahiran

pahirin – pag-aalis o pagpawi
pahiran – paglalagay ng bagay
Halimbawa:  Pahirin mo ang dumi sa iyong mukha.
                     Pahiran mo ng pulang pintura ang gate.  

Walisin at Walisan

walisin – pandiwang pokus sa layon.
walisan – pandiwang pokus sa ganapan.
Halimbawa:  Walisin mo ang mga tuyong dahon sa bakuran.
                      Walisan mo ang bakuran.

Maliban at Bukod

maliban – (except o aside) may kahulugang matangi sa bagay na binanggit ay wala nang iba.
bukod – (in addition to o besides) karagdagang sa mga bagay na binanggit.
Halimbawa:  Maliban sa lupa, wala na siyang maiiwan sa nag-iisang anak.
                     Bukod sa lupa, may bahay pa siyang maiiwan sa nag-iisang anak.  

Kung at Kong

Gamit ng Kung

  • ginagamit na pangatnig sa mga sugnay na di makapag-iisa sa mga pangungusap na hugnayan
Halimbawa:  Kung siya’y narito, tayo’y magiging magulo.

Gamit ng Kong

  • buhat sa panghalip na ko ang kong at nilalagyan lamang ng pang-angkop na ng sa pakikiugnay sa salitang sumusunod:
Halimbawa:  Ipinagtapat kong nangyari.

Din at Rin; Daw at Raw; Doon at Roon

Gamit ng din, daw, doon

  • ginagamit kapag ang nauunang salita ay nagtatapos sa katinig maliban sa w at y
Halimbawa:    Napanood din nila ang pelikula.
                       Napanood daw nila ang pelikula.
                       Napanood doon nila ang pelikula.

Gamit ng rin, raw, roon

  • ginagamit kapag ang nauunang salita ay nagtatapos sa patinig.  Ang w at y ay itinutuing na malapatinig.  Samakatuwid, ang rin, raw, roon ay ginagamit kapag ang sinusundang salita ay nagtatapos sa mga titik na ito.
Halimbawa:  Himala rin ang kailangan niya.
                      Kaliwete raw ang dalaga.
                      Umuwi roon ang kanyang asawa.

Ika at Ika-

Gamit ng ika

  • ginagamit bilang panlapi sa bilang na isinusulat bilang salita
Halimbawa:  ikatlong taon
                     Ikalimang araw

Gamit ng ika-
  • ginagamit ang ginitlingan na “ika” bilang panlapi kung mismong bilang ang isusulat.
Halimbawa:  ika-25 ng Enero
                      Ika-5 taon

Maka at Maka-

Gamit ng maka
  • ginagamit ang “maka” na walang gitling kung pangngalang pambalana ang kasunod na salita
Halimbawa:  Naglunsad ng poetry reading ang mga makabayan.

Gamit ng maka-
  • ginagamit ang may gitling na “maka-“ kapag sinusundan ng pangngalang pantangi
Halimbawa:  Maka-Nora ang mga nanonood ng kanyang mga pelikula.

Gawin at Gawan

  • ginagamit ang mga panlapi -in/-hin sa mga pandiwang pokus sa layon
Halimbawa:  Gawin mo ang sa tingin mo ay tama.

  • ginagamit ang panlaping -an/-han sa mga pandiwang pokus sa direksyon
      Halimbawa:  Subukan mong gawan siya ng mabuti.

Ang Wikang Filipino sa 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas

Artikulo XIV – Edukasyon, Syensya at Teknolohiya, Mga Sining, Kultura, at
                           Isports

Wika

Seksyon 6.  Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino.  Samantalang nalilinang ito, ito ay dapat na payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.
                    Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggami ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

Seksyon 7.  Ukol sa mga layunin ng komunikayon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles.
                    Ang mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon.
                    Dapat itaguyod nang kusa at opsyonal ang Kastila at Arabic.

Seksyon 8.  Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Ingles at dapat isalin samga pangunahing wikang panrehiyon, Arabic at Kastila.

Seksyon 9.  Dapat magtatag ang Kongreso ng isang komisyon ng wikang pambansa na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang mga rehiyon at mga disiplina na magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik sa Filipino at iba pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad, pagpapalaganap at pagpapanatili. 
        
Pagbasa

Mga papanaw ukol sa pagbasa:

  • Ang pagbasa ay isang masalimuot na prosesong pangkaisipan kung saan ang mambabasa’y aktibong nagpaplano, nagdedesisyon at nag-uugnay ng mga kasanayan at istratehiyang nakatutulong sa pag-unawa.  
  • Ang pagbasa ay isang kompleks na gawaing kinapapaloooban ng may kamalayan at walang kamalayang paggamit ng iba’t ibang estratehiya, kasama na ang mga estratehiya sa paglutas ng suliranin upang makabuo ng modelo ng kahulugang ninanais ipahatid ng awtor (Jonhston, 1983). 
  • Ang pagbasa’y proseso ng pamimili ng mga pahiwatig pangwika batay sa ekspektasyon ng bumabasa.  Habang ang bahagi ng impormasyon ay nakikilala, nakagagawa ang mambabasa ng pansamantalang desisyon o hinuha na patutunayan niya, iwawaksi o pagtitibayin habang bumabasa  (Kenneth Goodman, 1976).
  • Dahil magkaugnay ang pagbasa at pag-iisip, binanggit ni Mikuleckey (1990) ang ginawang pagtutulad nina Kintsch at Van Dijk (1978), Rumelhart at Ortony (1977) at Winograd (1977), sa pagbasa sa pagpoproseso ng impormasyon upang maunawaan kung paano nag-iisip at umuunawa ang isang tao.  Ayon sa kanila, dalawang aspekto ng “human information processing system” ang nagkakatulungan kapag nagbabasa ang isang tao:
    • Concept Driven o Itaas-Pababa – kapag ang bumabasa ay higit na nakatuon sa kug ano ang alam niya upang maintindihan ang binabasa.
    • Data Driven o Ibaba-Pataas – kapag higit na umaasa ang bumabasa sa mga impormasyong tekstwal.

Ang Mapanuring Pagbasa

  • Ang mapanuring pagbasa ay isang halimbawa ng marahan at maingat na pagbasa na nangangailangan ng masusing prosesong pangkognitibo.  Pangunahing layunin nito ay malayang pag-iisip at kasanayan sa pagsusuri a pagtataya. 

Mga Kasanayan sa Mapanuring Pagbasa

  1. Paghinuha sa maaaring mangyari
  2. Pagpapangkat ng mga ideya
  3. Paghahambing at pagtutulad
  4. Pagtatangi ng katotohanan sa palagay/opinyon
  5. Pagbuo ng konklusyon
  6. Pagbibigay ng sanhi at bunga
  7. Pagkakasunud-sunod ng mga ideya
  8. Paglalagom
  9. Pagtukoy at pagpapahalaga sa katangian ng tauhan
  10. Pagsusuri ng mga impormasyon
  11. Pagpapakahulugan sa matatalinghagang pahayag
  12. Pagpapakahulugan sa mga pahiwatig ng pahayag
  13. Pagtukoy sa magkakaugnay na ideya/konsepto
  14. Pagtukoy sa suliraning tinutukoy sa binasa
  15. Pagbibigay reaksyon sa himig at tono ng seleksyon    

Proseso ng Pagbasa

  • Ang pagkuha ng impormasyon ay di lamang nakakamit sa pagbasa ng mga nakalimbag na sagisag.  Mayroon ding mga impormasyong ginagamit ang bumabasa na nasa kanyang isipan na kanyang binabalikan kung kailangan niya sa pagbasa ng teksto.  Ito ay ang mga di biswal na impormasyon ng binubuo ng datihang kaalaman (prior knowlegde). 

Teoryang Iskema sa Pagbasa

  • Ginagalugad ng mambabasa ang mga nakaimbak o nakalagay niyang network ng mga abstraktong ideya sa kanyang isipan upang humanap ng iskema na tumutugma sa mga elemento o impormasyong taglay ng teksto (Anderson, 1985).
  • Habang bumabasa, patuloy na naaapektuhan ng makabuluhang iskemang nagising ang pagpoproseso ng impormasyon.  Sa pamamagitan ng nagising na iskema, naghihinuha ang mambabasa ng mga impormasyong semantika, sintaktika at leksikal upang makabuo ng kahulugan.

Metakognisyon sa Pagbasa

  • Pagkakaroon ng kamalayan, kaalaman at kasanayan sa pagkontrol sa sariling proseso ng pag-iisip o pag-unawa.
  • Ang metakognisyon ay ang mataas na kasanayang pampag-iisip na kinapapalooban ng aktibong pagkontrol sa mga prosesong kognitiv na napapaloob sa pagkatuto (Livingston, 1996).
  • Sa pamamagitan ng metakognisyon, nalalampasan ang kognisyon dahil nagagawa nitong malinan sa mambabasa ang may kamalayang paggamit ng mga estratehiyang kognitibo at pahalagahan sa halip na simpleng gamitin lamang ang mga ito.  Binibigyang-diin ng metakognisyon ang malawakang kontrol sa mga proseso sa halip na sa mga tiyak na estratehiya o gawain (McNeil, 1987). 
    • Tatlong Uri ng Prosesong Metakognitiv Ayon kay McNeil:
      • Kaalaman ng mambabasa sa kanyang sariling kahinaan at kalakasan sa pagbasa;
      • Kaaalam kung alin estratehiya ang angkop na gamitin ayon sa sitwasyon; at
      • Kalaaman ng mambabasa sa pagsubaybay sa kanyang pag-unawa o pagkaalam kung kailan siya di na nakauunawa.
      •         

Komunikasyon

  • Aktibong proseso ng paghahatid at pagkuha ng mensahe at tugon (feedback) sa pamamagitan ng interaksyon ng tagahatid at tagatanggap.
  • Ang komunikasyon ay ang pagpapahayag, pagpapahatid o pagbibigay ng impormasyon sa mabisang paraan.  Ito ay isang paraan ng pakikiugnayan, pakikipagpalagayan, o pakikipag-unawaan. 
  • Ang komunikasyon ay proseso ng pagbibigay (giving) at pagtanggap (receiving).
  • Kung kahulugang komunikatibo ang susuriin sa isang pahayag, tiyak na iuugnay ito sa tungkulin ng komunikasyon at ang kaugnay na gawi ng pagsasalita tulad ng ipinakikita ng sumusunod na tsart ni Gordon Wells.

Tungkulin ng Komunikasyon
(Functions of Communication)
Gawi ng Pagsasalita
(Speech or Commmucation Arts)
A.  Pagkontrol sa kilos o gawi ng iba
      (Controlling Function
Pakikiusap, pag-uutos, pagmumungkahi, pagpupunyagi, pagtanggi, pagbibigay babala
B.  Pagbabahagi ng damdamin
      (Sharing feelings)
Pakikiramay, pagpuri, pangsang-ayon, pahayag, paglibak, paninisi, pagsalungat
C.  Pagbibigay o pagkuha ng impormasyon  
     (Getting factual information)
Pag-uulat, pagpapaliwanag, pagtukoy, pagtatanong, pagsagot
D. Pagpapanatili sa pakikipag-kapuwa at pgkakaroon ng interaksyon sa kapuwa
      (Ritualizing Function)
Pagbati, pagpapakilala, pagbibiro, pagpapasalamat, paghingi ng paumanhin
E.  Pangangarap at paglikha
      (Imagining/Creating Function)
Pagkukuwento, pagsasadula, pagsasatao, paghula

Panitikan

  • Ang salitang Tagalog na “panitikan” ay galing sa unlaping PANG- (na nagiging PAN- kapag ang kasunod na ugat ay nagsisismula sa d, l, r, s, t); sa ugat ng TITIK (letra) na nawawalan ng simulang T sa pagkakasunod sa PAN-; at sa hulaping –AN, samakatwid: pang * titik * an. 
  • Ang salitang ito ang panumbas ng Tagalog sa “literatura” o “literature” na parehong batay sa ugat na Lating “litera” na ang kahuluga’y “letra” o titik.
  • Ayon kay Hno. Azarias, sa kanyang aklat na “Pilosopia ng Literature”, ang Panitikan ay pagpapahayag ng mga damdamin ng tao hinggil sa mga bagay-bagay sa daigdig, sa pamumuhay, sa lipunan at pamahalaan, at sa kaugnayan ng kaluluwa sa Bathalang lumikha.
  • “Nasusulat na tala ng pinakamabuting kaisipan at damdamin ng tao.” (W.J. Jong)

Anyo ng Panitikan

  • Tuluyan (prosa) – maluwag na pagsasama-sama ng mga salita sa katutubong takbo ng pangungusap.  Halimbawa, anekdota, alamat, maikling katha, kathambuhay, sanaysay, talambuhay, dula, at iba pa.
  • Patula – pagbubuo ng pahayag sa pamamagitan ng salitang binilang sa pantig (6, 8, 12, 16, o 18 sa taludtod) at pinapagtugma-tugma sa mga dulo ng mga taludtod sa loob ng isang estropa (stanza).  Halimbawa, liriko, oda, pastoral, kurido, tulang pasalaysay, tulang padula, soneto, at iba pa.

Matandang Panitikan

Ang matandang panitikan ay inuuri sa dalawa: 

  • Pasalita – kabilang sa panitikang hindi nakasulat ang mga pahayag na binubuo ng maiikling taludturan tulad ng salawikain, kasabihan, bugtong, mga talinghaga at mga awiting-bayan.
  • Pasulat – sa paglipas ng panahon, ang panitikang ito’y nagpasalin-salin sa bibig ng mga mamamayan; ito ay napagyaman, hanggang sa naging maunlad ang panulatan at palimbagan at napatala na sa mga aklat – mga akdang kababakasan ng nakalipas na panahon..

Salawikain o Sawikain at Kasabihan – karamihan sa mga ito ay may impluwensya ng Arabe, Malay at ng Indo-Tsina.

Salawikain o Sawikain – nagtataglay ng talinghaga.  Nagsisilbing mga panuntunan sa buhay – mga bata ng kaugalian at patnubay ng kagandahang-asal.  Binubuo ito ng mga taludtod na karaniwa ay dadalawa, may sukat at tugma at nagbibigay-aral.

Halimbawa:

Ang bato sakdal man ng tigas
Tubig na malambot ang nakaaagnas.

Di man makita ang apoy
Sa aso matutunton.

Ang inahing mapagkupkop
Di man anak isusukob.

Sabi o Kasabihan – hango sa karunungan ng matatandang may mga karanasan sa buhay.  May himig paalaala, kung minsa’y parang nanunudyo, ang mga ito’y hindi gumagamit ng malalalim na mga talinghaga.  Payak lamang ang kahulugan ng mga ito na kasasalaminan din ng gawi at ugali ng tao.

Halimbawa:

Anak na di paluhain                                        Walang sumisira sa bakal
Ina ang patatangisin.                                       Kundi kanya ring kalawang.

Nasa banig                                                      Ang maniwala sa sabi
Lumipat sa sahig.                                            Walang bait na sarili.

Kuwalta na
Naging bato pa.

Bugtong, Talinghala, Tanaga – sa aklat na Vocabulario de la Lengua Tagala (1754) nina Padre Juan de Noceda at Pedro de San Lucar, maraming maiikling matulaing pagpapahayag na kinabibilangan ng bugtong, talinghaga, at tanaga.

Bugtong – tugmang naghahamon sa tao na mag-isip nang madalian nang walang pagbabatayan kundi ang inilalarawan ng mga salita.  May layunin itong mapasigla ang guniguni at mapatalas ang isip.

Halimbawa:

Di matingalang bundok                                  Kinalag ang balangkas
Darak ang nakakamot.                                    Sumayaw nang ilagpak.
(BALAKUBAK)                                            (TRUMPO)

Kakabiyak na niyog                                        Isang balong malalim,
Magdamag inilibot.                                         Punung-puno ng patalim.
(BUWAN)                                                      (BIBIG)

Talinghaga – isang payak na metaporang may walong pantig sa bawat taludtod.  Ito ay may sukat at tugma.

Halimbawa:

Labong ng kawayang bagong tumutubo
Langit na mataas ang itinuturo;
Kapag tumanda na at saka lumago,
Lupang pinagmulan, doon din ang yuko.

Tanaga – ayon kina Noceda at Sanlukar, isang tulang may apat na taludtod na pipituhing-pantig at naghahamon din sa isip.

Halimbawa:

Ang tubig ma’y malalim                                 Baging akong kalatkat
Malilirip kung lipdin                                       Kaya ako nataas
Itong budhing magaling                                  Sa balite kumalat        
Maliwag paghanapin.                                      Nakinabang ng taas.

Bulong – tulang ginagamit sa panggagamot o pang-iingkanto.

Halimbawa:

Huwag magagalit, kaibigan,                           Tabi po, tabi po
Aming pinuputol lamang                                Huwag pong manununo.
Ang sa ami’y napag-utusan.  

Awiting-bayan – tulad ng alinmang tula, ang mga ito ay may sukat at tugma.  Di nakilala ang mga kumatha ng maraming awiting bayan.

Itinala ni Epifanio de los Santos Cristobal ang sumusunod na awiting-bayan:

  1. suliranin (awit sa paggaod)
  2. talindaw (awit sa pamamangka)
  3. diona (awit sa panliligaw at pagkakasal)
  4. oyayi o ayayi (awit sa paghehele)
  5. kumintang (awit sa pakikidigma; nang lumao’y naging awit sa pag-ibig)
  6. sambotani (awit sa pagtatagumpay)
  7. kundiman (awit ng pag-ibig)
  8. dalit (himno)

Epiko – mga tulang-salaysay tungkol sa mga bayani at sa kanilang kabayanihan.  Ang mga bayaning ito ay tila mga bathala sa pagtataglay ng kapangyarihan.  Ang mga epiko ay paawit kung isalaysay.  Sinasabing ang mga epiko ng mga Bisaya, Tagalog, Iluko, Ifugao, at Bikol ay napasulat sa Alibata, samantala ang epiko ng Mindanao ay nakasulat sa Sanskrito.

Halimbawa:
  1. Hudhud (Ifugao)
  2. Ibalon (Bikol)
  3. Biag ni Lam-ang (Ilokano)
  4. Maragtas (Hiligaynon-Iraya)

Akdang Panrelihiyon

  1. Doctrina Cristiana – Ito ang kauna-unahang aklat na nilimbag sa Pilipinas.  Nilimbag ito sa pamamagitan ng silograpiya noong 1593.
  2. Nuestra Señora del Rosario – sinulat ito at inilimbag ni Pari Blancas de San Jose, O.P., noong 1602 sa Imprenta ng Santo Tomas.
  3. Barlaan at Josaphat – sinulat ito ni Pari Antonio de Borja, S.J., at inilathala noong 1708 at muli noong 1712.  Ito ay batay sa sa mga salaysay mula sa Bibliya.  Ipinalalagay na ito ang kauna-unahang nobelang Tagalog kahit salin lamang.
  4. Pasyon – sa panahon ng kuwaresma, ang buhay at pagpapakasakit ng Panginoong Hesukristo ay inaawit. 
  5. Mga Dalit kay Maria – sabayang inaawit bilang handog kung buwan ng Mayo sa pag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birhen. 

Pari Modesto de Castro – dahil sa kanyang Urbana at Feliza, tinagurian siyang “Ama ng Tuluyang Klasika sa Tagalog.”

Ang Dula

Panunuluyan – isang uri ng dulang pangrelihiyon na namalasak noong panahon ng Kastila.  Ang pinakadiwa nito ay ang paghahanap ng bahay na matutuluyan ng mag-asawang San Jose at Birheng Maria noong bisperas ng Pasko.

Senakulo – isang uri ng dulang makarelihiyon na ang pinakamanuskrito ay ang pasyon.  Itinatanghal ito kung Mahal na Araw, kadalasa’y nagsisimula sa Lunes Santo at nagtatapos ng Biyernes Santo, kung minsan pa’y umaabot ng Linggo ng Pagkabuhay.  Ito ay itinatanghal sa entablado.  Tinatawag din itong “pasyon sa tanghalan”. 

Moro-Moro – itinatanghal sa entablado.  Dalawang pangkat ang naghaharap dito:  ang mga Kristiyano at ang mga moro. Tinawag itong comedia de capa y espada na sa kalauna’y naging kilala sa palasak na tawag na “moro-moro”.  Nasusulat sa anyong tula, pumapaksa sa paglalaban ng mga Kristiyano at mga di-Kristiyanong tinawag ng mga Kastilang “moro”. Laging magtatagumpay ang mga Kristiyano sa mga paglalaban.   

Tibag – ito ay may kaugnayan sa senakulo sapagkat ito ay nauukol sa paghanap sa krus na kinamatayan ni Kristo sa bundok ng Kalbaryo.  Ang mga tauhan dito ay sina Emperatris Elena at ang kanyang anak na si Emperador Constantino.  Tinawag na tibag sapagkat ito ay nauukol sa pagtibag ng bundok ng Kalbaryo sa paghanap ng krus.     

Mga Unang Tula

Ang unang tula sa Tagalog ay sinulat ni Tomas Pinpin at kasamang inilimbag sa kanyang aklat na Librong Pag-aaralan nang manga Tagalog sa Uicang Castila.  Ang tula ay binubuo ng magkasalit na taludtod sa Tagalog at Kastila sa layuning matutuhan ang Kastila.

Felipe de Jesus – ipinalalagay ng mga mananaliksik na ang kritikong si Felipe de Jesus ng San Miguel, Bulakan, ang unang tunay na makatang Tagalog.

Mga Tulang Romansa

Kurido - tulang pasalaysay na may sukat na walong pantig sa taludtod at may mga paksang kababalaghan at maalamat (karamiha’y halaw at hiram sa paksang galing sa Europa) na dala rito ng mga Kastila.  Inaawit ito nang mabilis o “allegro”.  May walong pantig ang taludturan. (Halimbawa: Ibong Adarna).

Awit – isang uri ng tulang binubuo ng labindalawang pantig bawat taludtod ng isang saknong at kung inaawit ay marahan o “andante”.  (Halimbawa: Florante at Laura)

Mga Manunulat ng Kurido at Awit

Ananias Zorilla – may akda ng awit na Dama Ines at Prinsipe Florinio.

Jose de la Cruz (1740 – 1829) – kilala sa sagisag na Huseng Sisiw.  Siya ang kauna-unahang mag-aayos ng tula.  Tinawag siyang Huseng Sisisw sapagkat sisiw ang karaniwang pabuya na ibinibigay ng nagpapagawa sa kanya ng mga tula ng pag-ibig at ng mga nagpapaayos sa kanya ng tula.  Kumatha ng Historia Famosa ni Bernardo Carpio, Doce Pares de Francia, Rodrigo de Villas, Adela at Florante at Flora at Clavela.

Francisco Baltazar (Balagtas) 1788 -1862 – Isinilang sa Panginay. Bigaa, Bulacan noong ika-2 ng Abril, 1788.  Sumulat ng Florante at Laura na inialay niya sa kanyang iniibig na si Maria Asuncion Rivera (M.A.R.) na tinawag niyang si “Celia” sa akda.

Karagatan – isang paligsahan sa tula na nilalaro bilang parangal sa isang namatay.  Ang mga kasali rito ay umuupo nang pabilog at nasa gitna ang hari.

Duplo – isa pang paligsahan sa pagtula na karaniwang ginaganap sa bakuran ng namatayan, sa ikasiyam na gabi matapos mailibing ang namatay, bilang panlibang sa mga naulila.

Ensilada – isa pang paligsahan sa pagtulana ginagawa bilang pang-aliw sa namatayan.  Ito ay ginagawa gabi-gabi habang nagsisiyam ang namatay.

Panahon ng Pagbabago at Paghihimagsik

Herminigildo Flores – isang manunulat sa panhon ng himagsikan.  Sa kanyang mga sinulat ay lalong bantog ang mahabang tulang may pamagat na, “Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya”.

Mga Pangunahing Manunulat-Propagandista

Jose P. Rizal (1861 – 1896)Naipalimbag niya sa Berlin ang nobelang Noli Me Tangere (1887).  Noong 1890, tinapos niya ang ikalawang nobela, ang El Filibusterismo sa Ghent, Belgium.  Gumamit si Rizal ng mga sagisag na “Dimas-Alang” at “Laong-Laan”. Si Rizal ay nakapagsasalita ng dalawampu’t dalawang wika. 

Marcelo H. del Pilar – bilang pangunahing pinuno ng Kilusang Propaganda, ipinakita niya kaagad ang pagtutol sa mga pamamalakad ng mga Kastila.  Lantad ang gayon niyang damdamin sa pahayagang Diariong Tagalog, na itinatag at pinamatnugutan niya noong 1882.  Noong Nobyembre 15, 1889, napasalin sa kanya ang pagiging patnugot ng La Solidaridad.  Gumamit siya ng mga sagisag tulad ng “Dolores Manapat”, “Piping Dilat”, “Maitalaga”, “Kupang”, “Carmelo”, “L.O. Crame” at “Pupdoh”.

Mga Akda ni del Pilar:

  1. “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” – salin ng tulang “Amor Patrio” ni Rizal.
  2. Caiigat Cayo (1888)
  3. Dasalan at Tocsohan (1888)
  4. Ang Kadakilaan ng Dios
  5. Sagot ng Espanya sa Hibik ng Pilipinas (1889)
  6. Dupluhan…Dalit…mga Bugtong…

Graciano Lopez Jaena (1856-1896) – itinatag niya sa Espanya ang Circulo Hispano-Filipino; sumulat ng mga ulat para sa Circulo.  Noong 1889, itinatag niya ang La Solidaridad at naging unang patnugot nito.  Nang mapalipat kay M. del Pilar ang tungkulin ng patnugot, naging manunulat na lamang siya ng pahayagan.  Nagkubli siya sa pangalang “Diego Laura”.  Sa kanyang panahon, higit siyang kinilalang orador kaysa manunulat.  Sinulat niya ang Fray Botod, isang maikling nobelang mapang-uyam na naglalarawan sa “kasibaan ng mga prayle”.  Ang Fray Botod ay prayleng napakalakas kumain.

Mariano Ponce (1863-1899) – gumamit ng mga sagisag na “Naning”, “Tikbalang”, “Kalipulako”.  Kabilang sa mga akda niya ang “Mga Alamat ng Bulakan”, at ang dulang “Pagpugot kay Longino”.

Antonio Luna (1866-1899) – parmasyutikong gumamit ng sagisag na Taga-ilog sa kanyang pag-akda.  Marami siyang naiambag sa La Solidaridad.  Kabilang sa mga akda niya ang “Noche Buena”, “La Tertulia Filipina”, “La Maestra de Mi Pueblo” at ang “Impresiones”.

Pedro A. Paterno (1858-1911) – may-akda ng Ninay isang nobelang sosyolohiko.  Ito ang unang nobelang sinulat sa Kastila ng isang Pilipino. 

Pascual Poblete (1858-1921) – nobelista, makata, mananalaysay at tinaguriang “Ama ng Pahayagan”.  Siya ang nagtatag ng mga pahayagang El Resumen, El Grito del Pueblo at Ang Tinig ng Bayan.  Siya rin ang kauna-unahang nagsalin sa Tagalog ng Noli Me Tangere.          

Jose Maria Panganiban (1865-1895) – sumulat ng mga sanaysay, lathalain at mga talumpati sa ilalim ng sagisag na Jomapa.

Pedro Serrano Laktaw – leksikograpo at manunulat; isa ring pangunahing Mason.  Siya ang unang sumulat ng Diccionario Hispano-Tagalog (1889).

Isabelo delos Reyes – nagtatag ng “Iglesia Filipina Independente”; nagtamo ng gantimpala sa Exposisyon sa Madrid, sa sinulat na “El Folklore Filipino”.

Fernando Canon – kaklase ni Rizal sa Ateneo.  Sumulat siya ng tula ukol kay Rizal.  Sa mga tulang pang-Rizal nagsimula ang kanyang katanyagan.

Kapwa pintor naman sina Juan Luna at Felix Resureccion Hidalgo.

Mga Akdang Mapanghimagsik

Ang paghihimagsik laban sa mga Kastila ay pinagtampukan ng mga akda nina Bonifacio at Emilio Jacinto, mga akdang nasulat sa Tagalog, ang wikang opisyal ng Katipunan.  Samantala, ang paghihimagsik laban sa mga Amerikano ay tinampukan naman ng mga akda nina Apolinario Mabini at Jose Palma.

Andres Bonifacio (1863-1897) – kinilalang “Ama ng Demokrasyang Pilipino” kinilala rin siyang “Dakilang Plebyo”.  Siya ay kasal kay Gregoria de Jesus, ang tinaguriang “Lakambini ng Katipunan”.  Si Bonifacio ay gumamit ng mga sagisag na “Agap-ito Bagumbayan” at “May Pag-asa”.

Mga Akda ni Bonifacio:

  1. Pag-ibig sa Tinubuang Lupa (tula)
  2. Sampung Utos
  3. Pahimakas (salin ng Mi Ultimo Adios ni Rizal)
  4. Mga Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan (dekalogo ng Katipunan)
  5. Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog (sanaysay)
  6. Katapusang Hibik ng Pilipinas (tulang tugon sa tula ni del Pilar na Sagot ng Espanya sa Hibik ng Pilipinas)

Emilio Jacinto (1875-1899) – kinilalang “Utak ng Katipunan” dahilan na rin sa kanyang katalinuhan.  Sumulat ng Kartilya ng Katipunan.  Ginamit niya sa pagsulat ang sagisag na “Dimas-Ilaw”; ginamit naman niyang pangalan bilang kasapi ng Katipunan ang “Pingkian”.

Mga Akda ni Jacinto:
  1. A La Patria (tulang hawig sa Mi Ultimo Adios ni Rizal)
  2. A Mi Madre (isang oda)
  3. Liwanag at Dilim (katipunan ng mga sanaysay)
  4. Ang Tao ay Magkakapantay
  5. Kalayaan

Apolinario Mabini (1864-1903) – kilala sa bansag na “Dakilang Lumpo”.  Tinaguriang siyang “Utak ng Himagsikan”.  Bilang manunulat, marami siyang akda sa Kastila – mga akdang pampolitika, sosyolohiko, pampamahalaan at pilosopiko.

Mga Akda ni Mabini:
  1. La Revolucion Filipino
  2. El Verdadero Decalogo (Ang Tunay na Dekalogo)

Jose Palma (1876-1903)kabilang sa mga manunulat sa panahon ng rebolusyon laban sa mga Amerikano.  Ang tulang “Filipinas” ang makabuluhan niyang ambag sa panitikan.  Ito ang naging titik ng musikang nalikha ni Julian Felipe.

Pag-unlad ng Tula

Unang Hati.  Sa mga unang tatlumpu hanggang apatnapung taon ng pananakop ng mga Amerikano, ang mga makatang Pilipino ay mapapangkat sa dalawa:  nakatatanda at nakababata.

  1. Nakatatanda – kabilang sa nakatatanda sina Lope K. Santos, Pedro Gatmaitan, at Iñigo Ed. Regalado.  Ang unang pangkat na ito ay aral sa Kastila.
  2. Nakababata – sa nakababata naman ay sina Jose Corazon de Jesus, Teodoro Gener, Ildefonso Santos, Cirio H. Panganiban, Aniceto F. Silvestre at Amado V. Hernandez.

Lope K. Santos (1879-1963) – tinatawag na “Ama ng Balarilang Pilipino”.  May-akda ng Banaag at Sikat.  Bilang makata, laging mababanggit kaugnay ng pangalan niya ang mga tulang “Ang Pangginggera”, “Puso’t Diwa”, “Mga Hamak na Dakila,” at “Sino Ka – Ako’y Si…”             

Pedro Gatmaitan – Ang kanyang mga tula ay napatanyag dahil sa hindi malayong paggunita sa mga kabayanihan ng mga bayani ng digmaan at ng himagsikan 1896.  Nagkubli siya sa mga sagisag na “Pipit-Puso”, “Dante”, “Ernesto Salamisim” at “Alitaptap”.  Nakilala ang kanyang “Tungkos ng Alaala”, isang katipunan ng kanyang mga natatanging tula.

Ikalawang Hati. Sa panahong ito namayani ang mga nakababatang Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute), Cirio Panganiban, Deogracias A. Rosario, Ildefonso Santos, Benigno Ramos at Aniceto Silvestre. 

“Ilaw at Panitik” – isang tanyag na samahang pangwika na natatag noon.  Ang unang pangulo ng samahan ay si Jose Esperanza Cruz, naging patnugot ng Liwayway.  Panahon din ito ng mga patimpalak sa pagtula at pagsulat ng tula, at sa mga ganitong pagkakataon ang mga makatang kasapi ng “Ilaw at Panitiki” ay naghali-halili sa pagkakamit ng unang gantimpala. 

Balagtasan – supling ng matandang duplo.  Abril 6, 1924, idinaos ang kauna-unahang balagtasan.  Ginanap iyon sa bulwagan ng Instituto de Mujeres, sa Kalye Tayuman, Tondo, Maynila.  Ang pamagat ay “Bulaklak ng Lahing Kalinis-linisan”.  Si Jose Corazon de Jesus ang lumagay na “Paruparo” at si Florentino Collantes naman ang sa “Bubuyog”.  Si Sofia Enriquez naman ang mabangong “Kampupot” o Bulaklak ng Kalinisan, samantala si Lope K. Sntos ang siyang nag-lakandiwa.  Si Jose Corazon de Jesus ang nanalo sa labanang iyon, ayon sa pasiya ng hurado.  Naging unang Hari ng Balagtasan si Batute.

Jose Corazon de Jesus – naging “Makata ng Pag-ibig” sa halalan ng mga mambabasa ng pahayagang Mithi noong 1916.  Isa sa mga tanyag niyang tula ang “Isang Punongkahoy”.
    
Florentino Collantes – naging katunggali ni Batute sa mga pagbabalagtasan.  Naibigay sa kanya ang karangalang “Makata ng Bayan” kapanabay ng pagbibibay kay Lope K. Santos ng karangalang “Paham ng Wika”.  Kabilang sa mga tula niya ang sumusunod:  Ang Sawa, Sa Dakong Silangan, Ang Lumang Simbahan at Ang Tulisan.   

Iba Pang Makata

Teodoro E. Gener – pangunahing tula niya ang “Subo ng Sinaing”, “Guro” at “Pag-ibig”.

Aniceto F. Silvestre – makata ng damdamin.  Ang kanyang tulang “Filipinas” ay ipinagwagi niya ng gantimpala sa tula sa isang patimpalak na Surian ng Wikang pambansa noong 1946.

Teo S. Baylen – ang mga tula niya sa loob ng tatlumpung taon ay isina-aklat niya sa kanyang Tinig na Darating. 

Ang Pag-unlad ng Dula

  • Ang dula ay isang sangay na panitikang naglalahad ng isang pangyayari o mga pangyayaring kinasasangkutan ng isa o dalawang pangunahing tauhan at ng iba pang mga katulong na tauhan na itinatanghal sa isang dulaan.

Sarsuwela – bilang panooring panlibangan, ay ipinakilala ng mga Kastila noong mga taong 1878-1879 ngunit di nagkaroon ng sapat na panahon upang umunlad at lumaganap.  Kaagaw pa nito ang moro-moro na mas dinudunog ng mga mamamayan.    

Mga Nakilalang Mandudula

Severino Reyes (1861-1942) – pangunahing manunulat ng sarsuwela si Severino Reyes.  Kilala rin siya sa sagisag na “Lola Basyang” dahil sa kanyang mga kuwentong-bayan na inilathala sa Lingguhang Liwayway.  Ang kanyang sarsuwelang Walang Sugat ang itinuturing na kanyang obra-maestra.  Noong 1922, naging patnugot siya ng Liwayway.

Patricio Mariano – isang mandudula, peryodista, kuwentista, nobelista at makata.  Marami siyang nasulat na dula na kinabibilangan ng Anak ng Dagat, Ang Tulisan, Ang Dalawang Pag-ibigi, Ako’y Iyo Rin, at iba pa.  Siya ng tinaguriang Dekano ng mga Mandudulang Tagalog.

Hermogenes Ilagan – siya ang masasabing kaagaw ni Severino Reyes sa kasigasigan sa paglikha at pagtatanghal ng sarsuwela.  Ang pinakatanyag niyang dula ay ang Dalagang Bukid.

Julian Cruz Balmaseda – namumukod ang kanyang aral sa pag-iimpok sa sulang Ang Piso ni Anita.  Ito ang dulang nagtamo ng unang gantimpala sa timpalak ng Kawanihan ng Koreo; sa kanyang Sa Bunganga ng Pating, binaka niya ang sakit na nililikha ng salaping patubuan.

Aurelio Tolentino (1868-1913) – dalubhasa sa paggamit ng tatlong wika, Pampango, Tagalog at Kastila.  Maraming dula siyang nasulat tulad ng Bagong Kristo, isang sulang sosyolohiko; Sumpaan, isang romantikong sarsuwelang may tatlong yugto.  Ngunit higit sa lahat ng mga dula niya, ang nakilala’y ang kanyang Kahapon, Ngayon at Bukas.  Isang alegoriya ang dulang ito ay naglalahad sa pamamagitan ng mga simbolikong tauhan na pinagdadaanan ng Pilipinas.

Juan K. Abad – nang magsimula ang himagsikan sinunog ng lahat ni Abad ang kanyang mga akdang nanunuligsa sa pamahalaan at sa mga prayle at pagkaraa ay umanib siya sa Katipunan.  Hinarap ni Abad ang pagbaka sa comedia sa paniniwalang ito ay nakakalason sa isipan ng mga Pilipino.

Ang Pag-unlad ng Nobela

  • Ang kauna-unahang nobelang Tagalog na ipinalimbag sa anyong aklat ay ang Nena at Neneng ni Valeriano Hernandez Peña; inilimbag ito noong 1905.  Isusunod na sana ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, na labis na pinananabikang mabasang muli, subalit dahilan sa kakapalan nito, nauna ang Miminsan Akong Umibigi ni Valeriano Hernandez Peña na lumabas noong 1906.  Sumunod na rin nang taon din iyon ang Banaag at Sikat ni Santos.
  • Ang Kathambuhay o nobela ay isang sangay ng panitikang naglalahad ng maraming pangyayaring kinasasangkutan ng isa o dalawang pangunahing tauhan at iba pang katulong na mga tauhan at ang buong pangyayari ay sumasaklaw nang higit na mahabang panahon kaysa maikling katha.

Ang Panahong Ginto ng Nobelang Tagalog

  • Panahong saklaw ng unang dalawampung taon, nasulat ang mga nobelang nagtataglay ng mga katangiang kasalaminan ng panahon at umayon sa layuning “makapagturo ng mabuti, makapaghimaton ng pag-iwas sa mga sakuna at kasawian sa buhay, makapagbinhi ng mabuting kaugalian at makapagpaunlad ng isip.”   Sa palagay ni Regalado, “hindi maitatanggi ng sino man na ang nobekang Tagalog ay nagkaroon ng Panahong Ginto…at ang panahong iyon ay sumasaklaw sa mga taong buhat sa 1905 hanggang 1921.”

Ang Maikling Kuwento
       
  • Ang anyo ng maikling kuwento ay nakilala lamang sa Pilipinas ng mgaunang taon ng ika-20 siglo nang narito na ang mga Amerikano.  Ang mga unang anyo ng maikling kuwento ay ang (1) dagli, na ang himig ay nangangaral.  Ang mga ito’y namumuna at nanunuligsa, at (2) pasingaw o munting kasaysayan na nagpapahayag ng pag-ibig sa mga nililigawan o hinahangaang paraluman. 
  • Ang maikling kuwento ay isang sangay ng panitikang naglalahad ng isang natatangi at mahalagang pangyayari sa buhay ng isang pangunahing tauhan s aisang takdang panahon.

Sangkap ng Maikling Kwento:

  1. Paksang-diwa o tema – pangunahing kaisipan ng kuwento, ng isang pangkalahatang pagmamasid sa buhay ng may-akda na nais niyang ipabatid sa mambabasa.
  2. Banghay – balangkas o istruktura ng mga pangyayaring kinapapalooban ng mga kilos, pagkahubog ng tauhan, tunggalian at mga hadlang, at mga detalye na buhat sa simula ay mabilis sa pag-akyat sa kasukdulan.  Ito ay mabilis na sinusundan ng wakas.  
  3. Katimpian – higit na masining ang matimping paglalarawan ng damdamin. 
  4. Paningin – pananaw na pinagdaraanan ng mga pangyayari sa isang katha.  Ito ang kahulugan ng paningin.

Apat na paraan ng pagsasalaysay ng kuwento ayon sa paningin ng nagpapahayag:
a.        Paningin sa Unang Panauhan – sumasanib ang may-akda sa isa sa mga tauhan na siyang nagsasalaysay sa unang panauhan.
b.       Paningin sa Pangatlong Panauhan – pangatlong panauhan ang ginamit ng manunulat sa pagsasalaysay ng mga pangyayari sa kuwento.  Ang isipan at damdamin ng mga tauhan ay maaari niyang utusan.
c.        Itinakdang Obhetibong Paningin – maaaring ang pangunahing tauhan o ang alin man sa mga katulong na tauhan ang tauhang nagsasalaysay.
d.       Obhetibong Paningin – ang tagapagsalaysay ay nagsisilbing isang kamera na malatang nakalilibot subalit maitatala lamang nito ang tuwirang nakikit at naririnig.

  1. Pahiwatig – nagiging malikhain ang mga mambabasa sapagkat naiiwan sa kanyang guniguni o imahinasyon sa mga pangyayaring nagaganap o maaaring maganap sa kuwento.
  2. Simbolo – ito ang mga salita na kapag binanggit sa isang akda ay nag-iiwan ng iba’t ibang pagpapakahulugan sa mambabasa.  Halimbawa, ang puti ay kumakatawan sa kalinisan o kawagasan.

Deogracias A. Rosario – Ama ng Maikling Kuwentong Tagalog

Sanaysay

  • Naglalarawan ng mga kuru-kuro at pansariling kaisipan ng isang manunulat.  Ang sanaysay ay maaaring maanyo (pormal) at maaari namang malaya (di-pormal o personal). 
  • Ang salitang sanaysay ay salitang-likha ni Alejandro G. Abadilla (AGA).  Ayon sa kanya, ito ay pinagsanib na mga salitang pagsasalaysay ng isang sanay o nakasulat na karanasan ng isang sanay sa pagsasalaysay.  Di gaya ng maraming salitang-likha, ang sanaysay ay dagling tinanggap ng bayan.

Dalawang uri ng Sanaysay:

  1. maanyo o pormal – tanging layunin nito ay magbigay ng kaalaman
  2. malaya o di-pormal – higit na kaaliw-aliw na basahin dahil sa ang mga salitang ginamit ay madaling maintindihan at ang paksa ay karaniwan.

Talambuhay

  • Naglalahad ng mahahalagang pangyayari sa buhay o kasaysayan ng isang tao.  Kapag ang talambuhay ay nauukol sa taong siyang sumulat, ito ay tinatawag na pansariling talambuhay (autobiography).

Pangulong Tudling

  • Naglalahad ng kuru-kuro ng patnugot ng isang pahayagan.  Ang mga pitak ng mga kolumnista ay kahawig ng pangulong tudling, lamang, ang kuru-kuro ng patnugot ay higit na matimbang o may bigat at siyang kuru-kuro na ng pahayagan.

Panahon ng Hapones (1942-1944)

  • Marami ang nagsasabing “gintong panahon” daw ng maikling kuwento at ng dulang Tagalog ang panahong ito.  Sa panahong ito, halos ipinagbawal ang Ingles ng mga mananakop kung kaya’t naging luwalhati naman ng wikaing Tagalog ang pangyayaring ito.
  • Sa pangangasiwa ng Surian ng Wikang Pambansa, ang pinakamahusay na maikling kuwento ng panahong iyon ay pinili.  Ang tatlong kuwentong nanguna ay ang mga sumusunod:  “Lupang Tinubuan” ni Narciso G. Reyes, “Uhaw ang Tigang na Lupa” ni Liwayway Arceo, at “Lunsod, Nayon at Dagat-dagatan” ni N.V.M. Gonzales.
  • Tatlong uri ng tula ang namalasak noong panahon ng Hapon:  Karaniwang anyo, malayang taludturan, na ang pinakamarami ay haiku at tanaga.

Tanaga – isang uri ng tulang Tagalog noong unang panahon na sa katipiran ng pamamaraan ay maihahalintulad sa Haiku ng mga Hapones, bagamat lalong maikli ang haiku.  Ang tanaga ay may sukat at tugma.  Ang bawat taludtod ay may pitong (7) pantig.

Halimbawa:

Palay

Palay siyang matino
Nang humangi’y yumuko,
Ngunit muling tumayo;
Nagkabunga ng ginto.     

Gawad Pambansang Alagad ng Sining (Panitikan)

Amado V. Hernandez                         -           1973
Jose Garcia Villa                     -           1973
Nick Joaquin                           -           1976
Carlos P. Romulo                    -           1982
Francisco Arcellana                 -           1990
Levi Celerio                            -           1997 (Musika at Panitikan)
N.V.M. Gonzalez                    -           1997
Edith L. Tiempo                      -           1999
F. Sionil Jose                           -           2001
Virgilio S. Almario                  -           2003
Alejandro R. Roces                 -           2003 

Mga Teorya/Pananaw Pampanitikan

Teorya

  • Ito ang pormulasyon ng palilinawing mga prinsipyo ng mga tiyak na penomena, paniniwala, o ideya upang makalikha ng isang sistematikong paraan ng pagpapaliwanag ng mga ito.

Teoryang Pampanitikan

  • Ang pagbabalangkas ng mga prinsipyo na magpapaliwanag sa pinagmulan at kalikasan ng panitikan, ano ito ngayon at ano dapat ito, papaano ito nalikha at papaano ito nagagamit ng lipunan.
  • Isang sistema ng mga kaisipan at mga kahalagahan na nagbibigay-kahulugan sa kalikasan at tungkulin ng panitikan pati na sa proseso ng paglikhang masining, at mga layunin ng may-akda at ng tekstong pampanitikan.
 
Teoryang Klasisismo
  • Pagtuklas at pagtanaw sa katotohanan, kagandahan, at kabutihan ang nilalayon ng klasisismo.  Hinahangad nito na palawakin ang pananaw at pang-unawa ng matwid na tao, at makamtan yaong tinatawag na grandeur d’ame o pagkadakila ng pagkatao.  At dahil ang tao ay sadyang may katutubong karupukan, kinakailangan din na ang panitikan ay makatulong sa paglilinis o pagpupurga sa kalooban at niloloob upang lalong makatulong sa pagkakamit ng kadakilaan ng katauhan.

Teoryang Humanismo
  • Walang higit pang kawili-wiling paksa kaysa tao.  Kung pumasok man ang kalikasan sa sining ay upang lalong mapalitaw ang mga katangian ng tao.  Ang Diyos man ay nagiging makabuluhan sa daigdig dahil sa tao sapagkat kung walang tao sa daigdig, walang makakaisip ng anuman tungkol sa Diyos.  Hindi nito sinasabi na higit na dakila ang tao kaysa Diyos.  Isinesentro lamang nito sa daigdig ang tao.

Teoryang Romantisismo
  • Higit na pinahahalagahan ang “damdamin” kaysa ideyang siyentipiko o may batayan.  Nananalig ang mga romantisista sa Diyos; naniniwala sila sa katwiran, siyensya, eksperimento at obserbasyon (empirisismo); materyal din ang tingin nila sa kalikasan at santinakpan.  Ngunit para sa kanila, kulang pa at hindi maipaliliwanag o nasasagot ng mga ito ang mga tanong at mga karanasan tungkol sa puso.
  
Teoryang Realismo
  • Higit na mahalaga ang katotohanan kaysa kagandahan.  Hinahangad nito ang katotohanan at ang makatotohanang paglalahad at paglalarawan ng mga bagay, mga tao at lipunan, at alin pa mang maaaring mapatunayan sa pamamagitan ng ating mga sentido.  Ang paraan ng paglalarawan ang susi, at hindi ang uri ng paksa.  Naniniwala ang realismo na ang pagbabago ay walang hinto.

Teoryang Naturalismo
  • Pinalawak ng naturalismo ang saklaw ng realismo.  Tinangka kasi ng naturalismo ang mas “matapat, di-piniling representasyon ng realidad, isang tiyak na hiwa ng buhay na ipinakita nang walang panghuhusga”.  Dahil sa walang muwang na “scientific determinism,” binigyang-diin ng naturalismo ang namana (o aksidente) at pangpisikal na likas ng tao kaysa mga katangian niyang pangmoral o rasyonal.  Naipakitang ang mga indibidwal ay produkto ng pinanggalingan at kapaligiran.

Teoryang Formalismo
  • Ang isang akda ay may sariling buhay at umiiral sa sarili nitong paraan.  Nasa porma o kaanyuan ng isang akda ang kasiningan nito.  Ang porma ay binubuo ng imahe (gamit ng lengguwahe na kumakatawan sa mga bagay, aksiyon at mga ideyang abstrakto), diksiyon (pagpili ng mga salita at paraan ng pagkakaayos nito), sukat, tugma, at iba pa.  Kailangang magkasama ang porma at ang nilalaman upang magkaroon ng buong kahulugan ang isang akda.

Teoryang Imahismo
  • Malaya ang makatang pumili ng anumang nais na paksain ng kanyang tula.  Gumagamit ng wika o salitang pangkaraniwan.  Kailangang angkop at tiyak ang bawat salita, at walang hindi kinakailangang palamuti. Ang imagism, isang tradisyon ng panulaang modernista na sadyang tiwalag sa tradisyon ng pangangaral o pang-aliw bilang akdang pansining ay may bukod-tanging kairalan, at hindi ito kailangang ipasailalim sa anumang layuning hindi makasining.  Wika nga, “Art for art’s sake”.

Teoryang Siko-Analitika
  • Masalimuot ang teorya ni Freud.  Sa pinakamadaling sabi, ang panitikan sa kanya ay ang kabuuan ng kamalayan at di-kamalayan: lumalabas dito ang mga bagay na di masasabi o maisusulat ng makata nang tuwiran sa harap ng ibang tao. 

Arketipal na Pananaw
  • o mitolohikal na oryentasyon.  Ito ay isa pang pagdulog na tila kawangis ng sikolohikal na pananaw.  Tulad ng sikolohikal na pananaw, nakapako ang atensiyon nito sa paraan ng paglikha at ang epekto nito sa mambabasa.  Subalit waring higit na malawak ang larangang sinusuyod ng arketipong pananaw sapagkat buong kalipunan ng mga sagisag at imaheng palagiang lumilitaw sa mga teksto ng pandaigdigang kultura ang pinagpapakuan nito ng masusing pansin.

Teoryang Eksistensiyalismo
  • Tulad ng romantisismo, ito ay mahilig sa eksperimentasyon tungo sa “tunay” na buhay at pananalita o ekspresyon.  Sinusuri nito ang lahat ng bagay bilang “lived facts”; wala itong dini-diyos at itinuturing na dapat igalang (sacred) maliban sa kalayaan, pagka-responsable at indibidwalismo ng bawat tao – ng manunulat o ng mambabasa.  Walang makapagsasabi ng kung alin ang tama o mali, totoo o malikmata, importante o walang silbi, maliban sa taong nakararanas sa pinag-uusapan.


Teoryang Istrukturalismo
  • Iisa ang simulain ng teoryang ito: ang pagpapatunay na ang wika o lengguwahe, ay hindi lamang hinuhubog ng kamalayang panlipunan kundi humuhubog din sa kamalayang panlipunan.  Nakabaon ang panlipunang kamalayan sa paggamit ng wika (social discourse) o paggamit sa mga salita ayon sa mga kinikilalang tuntunin at pagsasapraktikang panlipunan (social conventions).

Teoryang Dekonstruksiyon
  • Binibiyang-diin sa teoryang ito ang kamalayan ng manunulat at ng mambabasa bilang mga produkto ng social discourse na nakasulat.  Ito ay naangkop sa panitikang nakasulat bilang produkto ng isang tiyak na may-akda na tagapagdala o tagapagingat ng isang tradisyong pang-intelektuwal at pampanitikan.  Ang kahulugan ng isang tekto ay nasa kamalayang gumagamit sa teksto, at hindi sa teksto mismo.

Teoryang Moralistiko
  • Pinalalagay na ang akda ay may kapangyarihang maglahad o magpahayag hindi lamang ng literal na katotohanan kundi ng mga panghabambuhay at unibersal na mga katotohanan at mga di-mapapawing pagpapahalaga (values).  Pinahahalagahan ang panitikan di dahil sa mga partikular na katangian nito bilang likhang-isip na may sinusunod na sariling mga batas at prinsipyo sa kanyang pagiging malikhain, kundi dahil sa mga aral na naidudulot nito sa mga nakikinig o bumabasa.

Teoryang Historikal/Sosyolohikal
  • Di teksto bilang teksto ang lubusang pinagtutuunan ng pansin kundi ang kontekstong dito’y nagbigay-daan; hindi ang partikular na kakanyahan lamang ang sinusuri kundi ang mga impluwensiyang dito ay nagbigay-hugis—ang talambuhay ng awtor, ang politikal na sitwasyon sa panahong naisulat ang akda, ang mga tradisyon at kombensiyon na maaaring nakapagbigay sa akda ng mga katangian.

Marxistang Pananaw
  • Ang panitikan ay tinitignan bilang instrumento ng pagbabago, o bilang behikulo na magagamit upang mabuksan ang isipan ng tao sa kanilang kalagayang api.   

Feministang Pananaw
·         Pinagtutuunan ng pananaw Feminismo ang kalagayan o representasyon ng kababaihan sa isang akda.  Layunin nito na baguhin ang mga de-kahong imahen o paglalarawan sa kababaihan sa anumang uri ng panitikan.  Layunin ng pananaw na ito na masuri ang mga akdang pampanitikan sa paningin o perspektiba ng babae.  Dahil sa matagal na panahon, halos mga lalaki ang nagsusuri kung kaya hindi man maka-lalaki ang pananaw, ay nagtatanghal lamang ng mga nagawa ng kalalakihan.


Mga Tayutay o Mga Salitang Patalinghaga

Tayutay (Figures of Speech)

  • Nagpapaganda sa akda, nagpapalalim sa kaisipan at nagpapayaman sa guniguni ng bumabasa.  Ang mga tayutay ay madalas na gamitin sa mga akdang pampanitikan.

1.           Patulad o Simile – paghahambing ng dalawang bagay na magkaiba ng uri (ginagamitan  ng salitang para, gaya, katulad, kaparis, at iba pa).

Halimbawa: 
Para ng halamang lumaki sa tubig,
            Daho’y nalalanta munting di madilig.

2.           Pawangis o Metapora – paggamit ng salitang nangangahulugan ng isang bagay sa pagpapahayag ng ibang bagay.

Halimbawa:
Sapagkat ang haring may hangad sa yaman
Ay mariing hampas ng langit sa bayan.

3.           Sinekdoke – gumagamit ng bahagi sa halip ng kabuuan o ng kabuuan sa halip ng bahagi.

Halimbawa:
At ang balang bibig na binubukalan
Ng sabing magaling at katotohanan.

4.           Pangitain o Vision

Halimbawa:
Sa sinapupunan ng Konde Adolfo’y
Aking natatanaw si Laurang sinta ko.

5.           Panawagan o Apostrophe – kagyat na pagtutol sa naunang pagpapahayag at pananawagan sa tao o bagay na wala roon.

Halimbawa:
Kamataya’y nahan ang dating bangis mo?

6.           Pabaligho o Paradox – pahayag na wari’y salungat o laban sa likas na pagkukuro ngunit nagpapakilala ng katotohanan.

Halimbawa:
Ang matatawag kong palaya sa akin
ng ama ko’y itong ako’y pagliluhin
agawan ng sinta’t panasa-nasaing
lumubog sa dusa’t buhay ko’y makitil.

7.           Padamdam o Exclamation – pagbubulalas ng masidhi o matinding damdamin.

Halimbawa:
Nanlilisik ang mata’t ang ipinagsaysay
Ay hindi ang ditsong nasa orihinal,
Kundi ang winika’y ikaw na umagaw
Ng kapurihan ko’y dapat kang mamatay!

8.           Pandiwantao o Personification – binibigyang-katauhan ang isang bagay na walang buhay o kaisipang basal (abstract).

Halimbawa:
Parang walang malay hanggang sa magtago’t
Humilig si Pebo sa hihigang ginto.

9.           Pahalintulad o Analogy – tambalang paghahambing, pagkakawangki ng mga pagkakaugnay.

Halimbawa:
Inusig ng taga ang dalawang leon,
si Apolo mandin sa Serpyente Piton.

10.       Enigma – naikukubli ang kahulugan sa ilalim ng malabong pagtukoy.

Halimbawa:
Tapat ang puso ko’y di nagunamgunam
Na ang paglililo’y nasa kagandahan.

11.       Papanuto o Aphorism – maikling paglalahad ng isang tuntuning pangkaasalan.

Halimbawa:
Kung ang isalubong sa iyong pagdating
ay masayang mukha’t may pakitang-giliw
pakaingatan mo’t kaaway na lihim,
siyang isaisip na kakabakahin.

12.       Tanong na Mabisa o Rhetorical Question – tanong na naglalayong magbunga ng isang tanging bisa at hindi upang magtamo ng kasagutan.

Halimbawa:
Anong gagawin ko sa ganiton bagay
ang sinta ko kaya’y bayaang mamatay?

13.       Pagmamalabis o Hyperbole – pahayag na ibayong maindi kaysa katotohanan o lagpas sa maaaring mangyari.

Halimbawa:
Bababa si Marte mula sa itaas,
Sa kailalima’y aahon ang parkas.

14.       Aliterasyon – paulit-ulit na tunog ng isang katinig na ginagamit sa mga magkakalapit na salita o pantig. 

Halimbawa:
At sa mga pulong dito’y nakasabog, nangalat, nagpunla.
Nagsipanahanan, nangagsipamuhay, nagbato’t nagkuta.

15.       Asonansya – inuulit ang tunog ng isang patinig sa halip ng katinig.

Halimbawa:
Ang buhay ng tao at sa taong palad,
Nasa ginagawa ang halaga’y bigat.

16.   Onomatopeya – pagkakahawig ng tunog ng salita at ng diwa nito.

(1)   Tuwirang onomatopeya – kapag ginagagad ng ga tunog ng patinig at katinig ang tunog ng inilalarawan ng taludtod.

Halimbawa:
Ikaw’y iniluwal ng baha sa bundok
Hahala-halakhak at susutsut-sutsot.

(2)   Pahiwatig na onomatopeya – kapag ang mga tunog ng patinig at katinig ay hindi gumagagad kundi nagpapahiwatig lamang ng bagay na inilalarawan.

Ayon kay Lope K. Santos, ang ating mga titik ay nag-aangkin ng sari-sariling pahiwatig na kaisipan.  Ang A ay nagpapahiwatig ng kalakhan, kalinawan, kalawakan, kalantaran, samantalang ang I ay nagtataglay ng diwa ng kaliitan, labuan, karimlan, kalaliman, kalihiman, at iba pa.

a                    araw, buwan, ilaw, buwan, linaw, tanghal

i                    gabi, lilim, lihim, kulimlim, liit, unti, itim

      i           -           Ang suot ay puti’y may apoy sa bibig,
                              Sa buong magdamag ay di matahimik,
                              Ngunit ang hiwagang di sukat malirip,
                              Kung bakit sa gabi lamang namamasid.

Mga Uri ng Matalinghagang mga Pananalita

Pahayag Idyomatiko (Idiomatic Expression)

  • Isang pariralang ang kahulugan ay di mahahanago sa alinmang bahagi ng pananalita.
  • Ang kahulugan ng mga ito ay di bunga ng pagsasama ng kahulugan ng mga salitang bumubuo sa mga ito kundi isang natatanging kahulugang naiiba sa mismong parirala. 
  • Malayo ang kahulugang literal o tuwirang kahulugan sa kontekstuwal o tunay na kahulugan. 
  • Matatag na ang pagiging gamitin ng mga pahayag idyomatiko dahil ginagamit na sa mahabang panahon at bahagi na ng talaslaitaan ng bayan. 
  • Nagpasalin-salin ito sa bibig ng mg tao.

Halimbawa:
alagang ahas – taksil, walang utang-na-loob, kalawang sa bakal
gagapang na parang ahas – maghihirap ang buhay, maghihikahos, magiging miserable ang buhay
parang ahas na kuyog – galit na lahat ang buong angkan sa kagalit ng isa sa kanila
bagong ahon – baguhan sa pook, bagong salta
alanganin – bakla, tomboy
lumilipad sa alapaap – walang katiyakan, alinlangan
inalat – minalas, inabot ng alat
pinakain ng alikabok – tinalo sa isang karera ng takbuhan
nasagap na alimuom – nakuhang tsismis, sabi-sabi, bali-balita, alingasngas

Patayutay na Pananalita ((Figurative Word or Phrase)

  • Isang salita o parirala na ang kahulugan ay ipinahihiwatig ng salita o ilan sa mga salita sa parirala.
  • Nasisinag ang kontekstuwal na kahulugan sa mga salitang ginagamit.

Halimbawa:
magulo pa sa sangkuwaltang abaka – masalimuot, napakagulo, nakalilito, walang-walang kaayusan
abo ang utak – walang pang-intindi, bobo, tanga, mahina ang ulo
anay – lihim na kaaway
anak sa labas – anak sa di tunay na asawa, anak sa ibang babae
parang iniihan ng aso – di mapakali, di mapalagay, balisa
buhol-babae – mahina o madaling makalas ang pagkakatali, di matatag/matibay
agawin ang buhay – iligtas ang buhay sa kamatayan
mag-alsa ng boses – sumigaw (sa galit), magtaas ng tinig
mabigat ang katawan – masama ang pakiramdam o di maganda ang pakiramdam, tamad

Eupemistikong Pananalita (Euphemistic Expression)

  • Pananalitang ipinapalit sa mga salita o pariralang kapag ipinahayag sa tuwirang kahulugan ay nagdudulot ng pagkalungkot o pagdaramdam, pagkarimarim, pagkalagim o ibang di kanais-nais na damdamin sa pinagsasabihan o nakakarinig.
  • Ginagawa ang ganitong pagpapalit upang maging kaaya-aya sa pandinig ang pahayag at nang maiwasan ang makasugat ng damdamin ng iba. 
  • Madalas na ginagamit ang mga eupemistikong pananalita sa mga pahayg kaugnay ng kamatayan, maseselang bahagi ng katawan ng tao at sa malalaswang gawain.

Halimbawa:

Eupemistikong Pananalita                         Kahulugan
sumakabilang buhay
o binawian ng buhay                                 namatay
pagsisiping o pagtatalik                             pag-aasawahan

Sanggunian:

Abueg, Efren R., et al.  1998.  Komunikasyong Filipino (Para sa mga Kolehiyo at
Unibersidad). 

Bisa, Simplicia P. at Paulina B. Bisa.  1984.  Lahing Kayumanggi.  Quezon City: 
National Bookstore, Inc.

Panganiban, J. V.  1954.  Panitikan ng Pilipinas.  Quezon City:  Bedes’ Publishing
House.

Resuma Vilma Mascarina.  2002.  Gramatikang Pedagohikal ng Wikang Filipino
Komunikatibong Modelo. 
  
Royo, Ramero B.  “Integrasyon ng mga Kasanayang Metakognitiv sa Pagtuturo ng
Filipino:  Isang Mungkahing Modelo.”  M.A. Thesis, Pamantasang Manuel L.
Quezon, 2002.

________________.  2003.  The National Artist of the Philippines 1999-2003.  Pasig
City: Anvil Publishing, Inc.

________________.  1982.  Matalinghagang Mga Pananalita. Manila: Surian ng
Wikang Pambansa.
  

     Back